(NI HARVEY PEREZ/PHOTO BY KIER CRUZ)
ARESTADO ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI), ang isa sa kasamang akusado ni Senator Leila de Lima sa kasong may kinalaman sa iligal na kalakaran ng droga sa National Bilibid Prison (NBP) makaraan ang dalawang taon pagtatago, Biyernes ng madaling araw sa Angeles City, Pampanga.
Sinabi ni NBI spokesperson and Deputy Director Ferdinand Lavin na si Jose Adrian Dera ay nadakip ng NBI sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC).
Si Dera ay naaresto sa pangunguna ng NBI Special Task Force Chief Gerald Geralde matapos makatanggap ng impormasyon na nakikita sa lugar si Dera.
Itinanggi naman ni Dera na siya ay kamag-anak ni De Lima.
Magugunita na nag-isyu ng arrest warrant ang Muntinlupa RTC noong Nobyembre, 2017 na naging dahilan ng pag-aresto kay de Lima at iba pa niyang kasamang akusado.
Nalaman na si Dera ay inilarawan bilang isang police asset na siya umanong tumanggap ng P3 milyon, at tatlong sasakyan mula umano sa drug lord para gamitin ni De Lima sa kanyang kampanya.
Bukod pa na siya rin umano ang nagtrabaho para makalaya ang drug lord na si Peter Co.
Kamakailan, pinayagan ng Muntinlupa RTC ang dalawang araw na furlough ni De Lima para mabisita ang kanyang inang may sakit sa Iriga City, Camarines Sur at ngayon at nakabalik na sa kanyang detention cell.
Kaugnay nito, itinanggi naman ni De Lima na pamangkin o kakilala niya si Dera.
“He is not a nephew or a relative of mine of any degree. He has not worked for me as an aide or in any capacity,” ayon sa Senador na makabalik na sa PNP Custodial Center matapos mabisita ang kanyang ina.
“May I repeat this for the nth time—I did not demand, solicit, more so receive, directly or indirectly any drug money or any dirty or illegal money from anyone,” dagdag pa ni De Lima.
201