(NI BERNARD TAGUINOD)
NABUKSAN ng pagkamatay ng beteranong actor na si Eddie Garcia kung anong klaseng kondisyon ang kinakaharap ng mga talent at crew ng media at entertainment industry.
Ito ang lumalabas matapos magpahayag ng pagkabahala ang isang grupo ng mga manggagawa sa Kamara sa ”working conditions” ng mga talent at mga crew nang maaksidente si Garcia sa isang shooting na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.
Hindi matanggap ni TUCP party-list Rep-elect Raymond Mendoza na sa kabila ng Occupational Safety and Health Law at maging inisyung occupational health and safety ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa media at entertainment industry ay naaksidente pa rin si Garcia.
“We are shocked and angered that such a thing can happen to someone of the stature of Mr. Eddie Garcia, but even more so it exposes how ordinary talents and ordinary workers in the entertainment industry are made vulnerable to the failure of management to comply with these occupational safety and health rules,” ani Mendoza.
Si Garcia ay naaksidente matapos mapatid sa kable sa shooting ng teleserye ng GMA-7 na naging dahilan ng pagkakabali umano ng kanyang cervical collar at noong Hunyo 20, 2019 ay tuluyang pumanaw ang 90- anyos na aktor.
Ayon sa mambabatas, naiwasan aniya sana ang nasabing aksidente kung naipatupad lamang ng batas ukol sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga manggagawa sa nasabing shooting.
“Equally troublesome, there was no stand-by medical crew present to attend to any emergency. The failure of the station to comply with such basic, rudimentary requirements demonstrates how poorly our actors and actresses, talents, extras, camera men, sound men and production crews are treated by the networks and production outfits” ayon pa kay Mendoza.
Dahil dito, magpapatawag aniya ng imbestigasyon ang mambabatas upang silipin ang totoong kondisyon ng mga manggagawa sa media at entertainment industry at panagutin ang mga dapat managot sa pagkamatay ni Garcia.
Tulad ng ibang employers, responsibilidad umano ng mga entertainment industry players ang kaligtasan ng lahat ng kanilang mga talents kasama na ang mga ordinaryong manggawa.
221