(Ni KEVIN COLLANTES)
Lumakas na at tuluyang naging isang severe tropical storm si Bagyong Perla, na may international name na Neoguri, at kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometer per hour (kph).
Sa kabila naman nito, sinabi ng PAGASA na kahit lumakas pa si ‘Perla’ ay wala pa rin naman itong direktahang epekto sa alinmang bahagi ng bansa.
Ayon sa weather bureau, makakaranas lamang ng minsang pagsungit ng panahon sa extreme Northern Luzon hanggang sa mga unang araw ng susunod na linggo dahil sa epekto ng pagpasok ng amihan.
Nabatid na dakong 11:00 ng umaga, namataan ng PAGASA ang bagyo sa layong 600 kilometro sa silangan ng Basco, Batanes, taglay ang lakas ng hangin na 95 kilometer per hour (kph), malapit sa gitna, at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 115 kph.
Sa Linggo inaasahang nasa layong 630 kilometro ng silangan hilagang silangan ng Basco, Batanes ang bagyo at sa Lunes naman ay nasa layong 970 kilometro ng Northeast ng Basco, Batanes.
Sa pagtaya ng PAGASA, hanggang sa Lunes ng gabi ay maaaring lumabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang naturang severe tropical storm.
354