STAGS HUMABOL SA HULING BYAHE

INISKOR ni Allyn Bulanadi ang 15 ng kanyang season-high 44 points upang akayin ang San Sebastian Stags sa 99-94 win kontra University of Perpetual Help Altas at hablutin ang huling byahe sa Final Four ng 95th NCAA men’s basketball tournament kahapon sa Filoil Flying V Centre.

Naiiwan ng 11 puntos papasok sa payoff period, ang Altas ay umatake ng 14-1 run tungo sa 79-77 lead, nang sumandal ang Stags sa mainit na shooting hands ni Bulanadi na nagbagsak ng 15 puntos sa huling anim na minuto ng aksyon.

Ang 3-point basket ni Bulanadi sa 1:42 mark ang nagbigay sa San Sebastian ng kinakailangang kalamangan, 93-88 at buhat dito’y hindi na na binitiwan ang abante.

Tinapos ng Stags ang elimination round na nasa ikaapat na pwesto, 11-7 at nakabalik sa semifinals matapos malaglag sa nakaraang season.

“Alam naman nila ng hirap ng ginagawa namin,” komento ni San Sebastian coach Egay Macaraya.

Si Bulanadi ay 14-of 26 sa field, nagbaon ng pitong tres at may perpektong 9-of-9 sa foul line.

“For me, Allyn is ready for the big league. He’s proven it already many times,” dagdag ni Macaraya.

Makakaharap ng San Sebastian ang No. 3 Letran sa first step-ladder sa Nobyembre 5, kung saan ang winner ay sasabak sa second-ranked Lyceum of the Philippines University para sa ‘do-or-die’ match sa Nobyembre 8.

Ang winner sa step-ladder phase ang haharap sa defending champion San Beda sa best-of-three championship na magsisimula sa Nobyembre 12.

Naka-relax na ang Red Lions, matapos dumeretso sa Finals nang walisin ang 18 laro sa double-round eliminations.

Sa kanyang final game para sa Perpetual Help, nag-ambag si Edgar Charcos ng 22 points, seven assists at six rebounds.

Tinapos din ng Altas ang Season 95 na may 5-13 card. (PHOTO BY MJ ROMERO)

Ang iskor:

SSC-R (99) – Bulanadi 44, Ilagan 22, Capobres 10, Calma 6, Villapando 6, Calahat 6, Tero 3, Sumoda 2, Isidro 0, Cosari 0, Desoyo 0, Altamirano 0.

Perpetual (94) – Charcos 22, Aurin 20, Razon 18, Peralto 10, Adamos 8, Martel 6, Giussani 6, Sevilla 2, Tamayo 2, Lanoy 0, Cuevas 0.

252

Related posts

Leave a Comment