(NI MAC CABREROS)
NAGTATAGLAY ng ‘lason’ ang mga lamang dagat gaya ng isda gayundin sa tubig at hangin, ayon sa mga eksperto.
Sa Marine Plastic Pollution conference na itinaguyod ng World Bank at Embahada ng Norway sa Pilipinas nitong Abril 4, kinumpirma ng mga dalubhasang mananaliksik na may microplastics ang mga isda gayundin ang tubig at hangin.
Ayon sa mga eksperto, nagdudulot ng masamang epekto sa katawan ng tao kapag nakain, nainom at nalanghap ang microplastics.
Tinaya ng mga dalubhasa na tone-toneladang plastic ang itinatapon sa karagatan kada taon kung saan kapag hindi naagapan ay tuluyang masisira ang ecosystem.
“If current trends continue, by 2025, there may be more plastic than fish in the ocean, by weight. It needs urgent action,” pahayag Agata Pawlowska, portfolio manager ng World Bank.
Dahil dito, ayon Pawlowska, kailangang magkaisa ang lahat na sector para magtaguyod ng kongkretong hakbang para maresolba ang plastic pollution kundi magiging ‘sakit’ ng 16 henerasyon o 400 taon na problema ng sangkatauhan.
Sa naturang pagtitipon ng nasa gobyerno, development partners at social society, kalahati ng basura sa karagatan ay nagmumula sa mga bansa sa East Asia kabilang na rito ang Pilipinas na naitala sa top 5 bilang may pinakamataas na problema sa waste management.
Sinabi naman Mr. Jose Angelito M. Palma, President and Chief Executive Officer of World Wide Fund for Nature (WWF) — Philippines na may papel ang bawat isa para mapigilan ang plastic pollution.
Inilahad naman ng ilang development partners gaya ng Asian Development Bank at Japan International Cooperation Agency ang mga programa at proyektong kanilang itaguyod para maresolba ang problema sa plastic pollution kabilang na rito ang maayos na management sa basura at paggamit ng basura bilang pagkunan ng eherhiya o paggamit sa plastic sa paggawa ng imprastraktura tulad ng kalsada.
Lubhang apektado ng marine plastic pollution ang pagkain, kabuhayan lalo ng mangingisda at ecotourism o buong ecosystem mismo.
447