KAILANGANG gamitin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kanilang kapangyarihan para buksan ang libro ng mga Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) operators sa bansa upang matigil na ang panloloko ng mga ito sa buwis.
Ginawa ni ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran ang nasabing pahayag matapos mabuko sa pagdinig ng Senado kamakailan na umaabot sa P50 Billion withholding at franchise tax ang atraso ng mayorya sa 60 lisensyadong POGO sa Pilipinas.
May hinala si Taduran na ang nasabing halaga ay para sa taong 2019 lamang at posibleng mas malaki pa kung isasama ang mga nakaraang taon mula nang mag-operate ang mga POGO sa bansa.
“We filed that resolution dahil may nakarating sa ACT-CIS Party-list na report ng misdeclaration ng kita ng ilang POGOs sa ating bansa at nakita na naming makaaapekto ito sa dapat ay nakokolekta ng gobyerno mula sa kanila,” ani Taduran.
Sa pagdinig ng Senado kamakalawa, sinabi ni Atty. Sixto Dy Jr., ng Office of the Deputy Commission for Operations ng BIR, lahat ng POGO license operators ay hindi umano nagbayad ng kanilang nararapat na buwis noong nakaraang taon.
Tinataya ni DY na umaabot sa P17 hanggang P18 Billion na franchise tax at P30 Billion na withholding tax ang hindi binayaran ng mga POGO operator kung saan ibinase ang halagang ito sa P8 Billion na katumbas ng 2% na regulatory fees.
Hindi pa kasama rito ang income tax ng mga POGO worker na hindi pa rin umano binabayaran ng mga dayuhang manggagawa na pawang galing sa China.
“We are losing billions in taxes from these POGOs. Paano tayo nalulusutan ng mga ‘yan?” pahayag ni Taduran, kaya panahon na aniya para gamitin ng BIR ang kanilang kapangyarihan at obligahin ang mga POGO operator na buksan sa publiko ang kanilang libro. BERNARD TAGUINOD
214