(NI NOEL ABUEL)
“IS the Philippine government condoning the operations of criminal syndicates?”
Ito ang tanong ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan kasabay ng panawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte, na patungo sa China, na hilingin sa Chinese government na bawiin na ang lisensya ng Philippine offshore gaming operators (POGOs).
“Tama naman ang China rito. Kanselahin na ang lisensya ng mga POGO on concerns of criminality and corruption. Iligal ito sa China. Ibig sabihin, mga Chinese criminal ang nagpapatakbo ng mga POGO dito sa Pilipinas,” giit ng senador.
Dahilan aniya sa patuloy na operasyon ng POGO sa bansa na isang uri ng illegal na sugal ay nakadududa kung seryoso umano ang pamahalaan na labanan ang anti-crime at anti-corruption.
“Nakadududa tuloy kung totoo nga ba ang anti-crime and anti-corruption campaign ng administrasyong ito dahil pinapayagan ang mga Chinese criminal na malayang magsagawa ng mga iligal na negosyo dito sa atin,” sabi pa ni Pangilinan.
Tinukoy pa nito na sa mga nakalipas na buwan ay patuloy na nadadagdagan ang krimen sangkot ang mga POGO players at financiers subalit hindi sumasailalim sa batas ng Pilipinas.
“Meron pa ngang mga ulat ng pansamantalang pagpapakulong sa ating mga pulis at hindi pinapayagang imbestigahan ang mga pinangyarihan ng krimen. Ito ay ng pambabastos na hindi natin dapat pinapalampas,” giit pa nito.
Kaugnay nito, hindi rin umano dapat isantabi ang pangamba ng Department of National Defense (DND) na magamit ang POGO hubs para manmanan ang galaw ng mga Filipino.
164