HINIKAYAT ni Senador Nancy Binay ang Government Security Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS) at Pag -Ibig Funds na pansamantalang itigil ang paniningil sa loan payments ng mga taong apektado ng pagsabog ng Taal Volcano.
Sa pahayag, sinabi ni Binay na malaki ang maitutulong ng 6 to 12 months moratorium sa mga taong apektado ng pagsabog ng Taal Volcano upang makatayo sila sa dinanas na kalamidad.
“We can help ease the burdens of our kababayans hit by natural calamities and a way for government agencies to show continuing concern for its members, and its way of helping out its members during their times of need,” ayon kay Binay.
“Nananawagan din po tayo sa mga local government unit na huwag munang maningil ng penalties sa mga hindi makapagbabayad ng real property taxes at businesses na di makapag-renew ng permits dahil naapektuhan sila ng pagputok ng Taal,” dagdag niya.
Nanawagan din si Binay sa lahat ng pribado at government banks, lending agencies, at financial institutions to defer loan payments of borrowers in areas declared under state of calamity.
Inilagay na sa State of Calamity ang lalawigan ng Batangas isang araw matapos sumabog ang Taal Volcano. Sa ilalim ng state of calamity, maaaring gamitin ng lalawigan ang P60 milyon emergency funds upang makatulong sa apektadong mamamayan.
Ayon sa ulat ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), umabot na sa mahigit 200,000 katao ang naapektuhan ng pagsabog ng Taal Volcano. (ESTONG REYES)
113