(NI JEDI PIA REYES)
AABOT sa 53 aktibong miyembro ng Philippine National Police ang itinuturing na ‘ninja cops’ o mga sangkot sa pagre-recycle ng ilegal na droga.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino, ang sinasabing listahan ng ninja cops ay ang pinagsama-samang impormasyon mula sa ahensya, Philippine National Police (PNP) at Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na dating pinuno ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
“Pinagsama-sama ito, initially we came up with a list of ninja cops, lumabas doon more or less, mga 50, to be exact 53 yata ‘yung existing ngayon na ninja cops na nai-involve sa recycling,” ayon kay Aquino.
Nilinaw ni Aquino na sa naunang 87 ninja cops na nasa listahan ng PNP ay nasa 22 ang aktibong pulis at lima sa kanila ay nakatalaga umano sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sinabi pa ng PDEA Chief na posibleng tumaas pa ang nasabing bilang habang patuloy na nakatatanggap ng karagdagang mga impormasyon ng mga idinadawit na mga opisyal ng PNP.
“I know mas lalaki pa yun kasi mayroon pa kaming information na hindi nakasama doon sa 53 na yun,” dagdag pa ni Aquino.
Alam na rin aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang listahan ng PDEA.
396