(NI BERNARD TAGUINOD)
DAHIL limitado ang mga gamot na libre sa value added tax (VAT), nais ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na tanggalin na ang buwis na ito sa lahat ng maintenance medicines.
Sa ilalim ng House (HB) 4094 na iniakda ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor, iginiit nito na hindi lamang ang mga maintenance medicines sa hypertension, diabetes at high cholesterol ang dapat ilibre sa nasabing buwis.
Marami aniyang mamamayan ay may mga heart diseases, vascular system diseases, malignant noplassm/cancer, tuberculosis, naaksidente, COPD o chronic obstructive pulmonary disease at iba pa.
Tulad ng mga taong may hypertension, diabetes at high cholesterol, nangangailangan ng maintenance ng maintenance medicines ang mga nabanggit na sakit.
“This bill aims to make these medicines to be more affordable and accessible to the Filipino people. There shall be more inclusive way to promote the right to health of the people,” ani Defensor sa kanyang panukala.
Ayon kay Defensor, hindi biro ang pinagdadaanan ng mga taong nangangailangan ng maintenance medicines subalit mas nahihirapan ang mga ito at ng kanilang pamilya dahil mahal ang presyo ng mga gamot na kailangan nila para humaba pa ang kanilang buhay.
Tungkulin aniya ng gobyerno na pangalagaan ang kalusugan ng kanyang mamamayan tulad ng nakasaad sa Artice II, Section 15 ng 1987 Constitution kaya lahat ng maintenance medicines ay dapat ilibre anya sa 15% na VAT.
Dahil dito, umapela ang mambabatas sa kanyang mga kasamahan sa Kamara na bigyang prayoridad ang panukalang ito upang matulungan ang mga taong nangangailangan ng maintenance medicines.
175