MALAKANYANG: 2ND TRANCHE NG AYUDA TULOY KAHIT MAG-EXPIRE ANG BAYANIHAN ACT

TINIYAK ng Malakanyang sa publiko na maipamamahagi ang second tranche ng COVID-19 cash aid sa mahihirap na pamilyang Filipino kahit na ang batas na sumasakop dito ay mag-expire ngayong buwan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang June 25 expiry ng Bayanihan to Heal as One Act ay hindi makaaapekto sa second round ng cash assistance para sa mahihirap na pamilyang Filipino sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.

“Hindi po apektado ng expiration ‘yan dahil ‘yung obligasyon at ‘yung pera ay naririyan naman po,” ayon kay Sec. Roque.

Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, ang bawat benepisaryo ay makatatanggap ng dalawang ulit na cash aid na P5,000 hanggang P8,000 (Abril at Mayo) base sa minimum wage rates sa rehiyon.

Ang programa ay napalawig at nadagdagan pa ng 5 milyong pamilya.

Para naman sa Department of Social Welfare and Development, bineberipika nilang mabuti ang listahan ng cash aid para sa karagdagang 5 milyong pamilya.

“The Department will issue Social Amelioration Card (SAC) forms with code specifically for the additional beneficiaries,” ayon sa DSWD.

Ang mahihirap na pamilya sa Benguet, Metro Manila, Southern Tagalog Region, Central Luzon (maliban sa Aurora province), Pangasinan, Albay Province, Zamboanga City, Iloilo, Cebu Province, Bacolod City, at Davao City ay entitled sa second tranche ng cash aid, ayon sa DSWD. CHRISTIAN DALE

75

Related posts

Leave a Comment