(NI BERNARD TAGUINOD)
KINUKUYOG na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Manila Waters dahil sa puwerhuwisyong inabot ng kanilang mga customers matapos biglang nawala ang kanilang water supply mula pa noong Marso 8.
Ang Makabayan bloc sa Kamara ay naghain na resolusyon para imbestigahan ang Manila Waters dahil lumalabas na palpak ang kanilang serbisyo gayung bilyong-bilyong piso umano ang kinita ng mga ito noong nakaraang taon.
Nabatid sa grupo na nagtala ng P6.5 bilyon net income ang Manila Water noong 2018 subalit hindi nagawa ng mga ito ang kanilang tungkulin na tiyaking may sapat na supply ng tubig.
Sa kabila ng napakalaking kita ng Manila Water, ay humingi pa ang mga ito ng dagdag na singil ngayong taon na aabot sa 64 centavos bawat cubic meter kaya hiniling ng grupo sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na rebyuhin at bawiin ang inaprubahang 64 sentimong water hike kung kinakailangan.
Sa panig naman ni PBA party-list Rep. Jericho Nograles, naniniwala ito na hindi El Nino ang dahilan sa problemang kinakaharap ngayon ng mga customers ng Manila Water kundi mismanagement.
“The management of Manila Water should be truthful to the public. For years now, since 2016, they have been tapping on the reserve supply of La Mesa Dam because they have failed to build new or upgrade existing water infrastructure on time,” ani Nograles.
Hindi matanggap ng mambabatas ang palusot ng Manila Water na El Nino at at paninisi ng kumpanya sa kanilang mga kontraktor sa mga proyekto sa kanilang mga proyekto kaya nagkaroon ng problema sa supply.
Kinastigo naman ni Akbayan party-list Rep. Tom Villarin ang gobyerno sa pahayag umano nito na “maghintay ng ulan” imbes na kumilos upang masiguro ang sapat na supply ng tubig, hindi lamang sa pangangailangan ng mga tao kundi ng mga pananim.
“Insensitive, indolent, and ill-informed.Instead of blaming things on nature and idly waiting for rain, Malacañang should be on crisis management mode, shed light on the curious case of La Mesa Dam, and ensure that this never happens again,” ani Villarin.
139