MAS MABIGAT NA PARUSA SA MASASANGKOT SA HAZING, INIREKOMENDA NG SENATE PANEL

INILATAG ni Senate Committee on Justice and Human Rights chairperson Francis Tolentino ang pagpapataw ng mas mahigpit na parusa sa mga masasangkot sa hazing na mauuwi sa pagkasawi ng biktima.

Alinsunod ito sa Committee Report no. 19 na inisponsoran ni Tolentino sa plenaryo kasunod ng kanilang imbestigasyon sa pagkamatay ng Adamson University student na si John Matthew Salilig dahil sa hazing.

Nakasaad sa Committee report ang pag-amyenda sa Republic Act 11053 o Anti-Hazing Law upang papanagutin ang mga dawit sa initiation rites o activity na nauwi sa pagkasawi ng bagong myembro.

Nagkasundo ang mga miyembro ng komite na kapag ang initiation activities ay nagresulta sa pagkasawi o physical injury ng miyembro, ang mga fraternity, sorority at iba pang organisasyon ay papanagutin sa mga pamilya ng mga biktima sa pamamagitan ng pagpapabayad ng multa na P20 million.

Bukod dito, ipasasalo rin sa mga miyembro ang litigation fees ng pamilya ng biktima.

Ang certificate of registration ng fraternity, sorority o kahalintulad na organisasyon ay awtomatikong kakanselahin at idedeklarang ilegal na organisasyon.

Idinagdag pa ni Tolentino na bagamat siya mismo ay kasapi ng isang fraternity, sinusuportahan niya ang anumang panukalang pagbabago para mapalakas ang batas laban sa hazing.

Suportado naman ng dalawang lider ng Senado ang rekomendasyon ng panel.

Aminado si Senate Pres Migz Zubiri na umaasa silang sa pagbalangkas nila noon ng mas mahigpit na anti hazing law ay huling biktima na ng karahasan sa initiation rites sa fraternity si Horacio Atio Castillo.

Subalit muli itong nadagdagan sa katauhan ni Salilig kaya naman suportado ng lider ng Senado ang anumang rekomendasyon na makapagpapatigil na sa kultura ng karahasan sa brotherhood o sisterhood.

Muli namang nagpahayag ng mariing pagkondena si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa sinapit ng kanyang fraternity brother na si Salilig.

Iginiit ni Villanueva na bagamat miyembro siya ng Tau Gamma ay hindi niya inimpluwensyahan o pinakialaman ang pagdinig ng komite.

Naniniwala rin si Villanueva na dapat lamang ay tuluyan nang matuldukan ang mga insidente ng pagbubuwis buhay ng mga fraternity o sorority members sa mga mararahas na initiation rites.

(Dang Samson-Garcia)

71

Related posts

Leave a Comment