MASTERMIND SA DEGAMO SLAY TUKOY NA

(BERNARD TAGUINOD)

MAY mukha na kung sino ang mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Ito ang kinumpirma kahapon ni House Speaker Martin Romualdez subalit tumanggi itong magbigay ng detalye ukol sa umano’y mastermind.

“May mga importanteng leads na ang mga imbestigador kung sino ang mastermind ng krimen na ito. They are working round the clock at the moment for case build up,” ani Romualdez.

Noong Sabado, Marso 4, ay pinasok ng armadong kalalakihan ang compound ng pamilya Degamo sa Brgy. San Isidro, Sto. Nueve, Pamplona at pinagbabaril ang gobernador at maging ang mga Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries.

Tatlong suspek na kinabibilangan ng dalawang sundalo ang nahuli habang isa ang napatay sa hot pursuit operation at matapos umano ang masusing imbestigasyon ay natukoy ang mastermind.

“Hindi magtatagal, maipapaaresto na natin ang utak ng krimen. Pagbabayarin natin ang lahat ng responsable sa krimeng ito. Sisiguruhin ng ating mga awtoridad na mabubulok sila sa kulungan,” dagdag pa ni Romualdez.

“Let me reiterate the warning of President Marcos to criminals: you can run but you can’t hide. There will be no sacred cows in our fight against criminality. Malaking tao man o may impluwensiya, hahabulin namin kayo at papanagutin sa mga kasalanan ninyo,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Samantala, naibalik na umano ang peace and order sa nasabing lalawigan at gumagana na ulit ang local government matapos panumpain sa kanilang bagong tungkulin sina Vice Governor Carlo Jorge Joan Reyes bilang bagong gobernador at Manuel Sagarbarria bilang bagong Vice Governor.

1,168 local officials biktima

Samantala, mahigit isang libong local officials ang biktima ng assassination sa nagdaang mahigit isa’t kalahating dekada kung saan 927 sa mga ito ay napatay at karamihan mayors.

Hindi pa kasama sa bilang sina Negros Oriental Governor Roel Degamo, Aparri Cagayan Vice-Mayor Rommel Alameda, Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong Jr., at Datu Montawal Maguindanao del Sur Mayor Ohto Montawal.

Sina Degamo at Alameda ay kapwa nasawi habang sina Adiong at Montawal ay kapwa nasugatan.

Sa datos na inilabas ni Surigao del Sur Rep. Robert Ace Barbers, mula 2006 hanggang 2022 ay may kabuuang 1,168 local officials ang inambush kung saan 927 dito ay napatay, 163 ang nasugatan at 91 ang naiwang walang tama.

Sa nasabing bilang, 97 mayor ang inambush na ikinamatay ng 58 sa kanila, 53 ang vice mayors na ikinasawi ng 35 sa mga biktima habang 165 ang municipal at city councilors (126 ang napatay); 496 ang barangay captain (402 na namatay) at 357 ang barangay councilors kung saan 306 sa mga ito ang napatay.

Pinakamaraming napaslang na mayor at vice mayors mula noong 2016 hanggang December 2021 na umaabot sa 25.

“The foregoing list simply portrays a much larger image of violence involving elected officials in our country,” ani Barbers na kabilang sa mga kumondena sa pagpatay kina Degamo at Alameda.

Ang masakit aniya rito, karamihan sa mga kasong ito ng local executives na biktima ng assassination ay hindi naresolba ng pambansang pulisya at hindi nakamit ng kanilang pamilya ang katarungan.

“All these incidents are not only a tragic reflection of political violence, but they are also unacceptable in our descent and God-fearing society. They do not only rob our country of dedicated public servants, but they also undermine the stability and security of our society,” dagdag pa ni Barbers.

Intel ops pinalakas

Pinaigting naman ng Philippine Army ang kanilang intelligence operation laban sa mga pinaghahanap pang suspek sa malagim na pamamaslang kay Degamo at walong iba pa para makatulong sa PNP na madakip ang nasa anim hanggang walo pang suspek.

Ito ay kasunod ng ginawang inquest proceedings sa naunang tatlong suspek sa Degamo slay case na pawang mga tiwalag na sundalo na nadakip sa isinagawang joint hot pursuit operation ng PNP Police Regional Office 7 at Philippine Army.

Nabatid na dalawa sa tatlong dating mga sundalo ay pinag-aaralan na ilagay sa witness protection program ng gobyerno para matiyak na mabibigyan ng hustisya ang pamilya ni Gov. Degamo at ng walong iba pa na nadamay sa pamamaslang bukod sa 13 iba pa na nasa maselang kalagayan.

Matapos mahuli ng mga sundalo at pulis ang tatlong suspek sa pagsalakay sa bahay ni Degamo ay natagpuan ng pinagsanib na pwersa ng 11th Infantry Battalion Philippine Army at PNP SWAT ang pitong high powered firearms na ginamit sa pag-atake kay Degamo.

Base sa witness account at mga nakalap na video footage, nasa 10 hanggang labing dalawa ang ang responsible sa pananalakay.

Sa press conference ng DOJ at DILG, kinumpirma na sa Negros Oriental Provincial Prosecutors’ Office, sinampahan ng reklamong multiple murder ang tatlong suspek na sina Joven Javier, Benjie Rodriguez, at Joric Labrado.

Bukod dito, sinampahan din ang tatlo ng mga reklamong illegal possession of firearms, ammunitions, and explosives sa Bayawan City Prosecutors’ Office.

Samantala, tumanggi si SILG Benhur Abalos na kumpirmahin kung kabilang sa mga anggulong tinututukan ng mga imbestigador ang pulitika.

Kaugnay nito, magpapatupad ang PNP ng balasahan sa PRO-7 dahil nagkaroon ng negligence o kapabayaan sa kanilang hanay na naging dahilan sa pagpatay sa gobernador at walong iba pa.

Nanindigan naman ang Philippine Army na umiiral sa kanilang organisasyon ang mataas na pamantayan sa pagdidisiplina sa hanay ng kanilang mga sundalo upang magampanan ang kanilang mandato na paglingkuran ang mamamayan at protektahan ang bayan.

Ayon kay Army Public Affairs Chief Col. Xerxes Trinidad, na-dismiss na sa serbisyo sina Joric Labrador; Joven Aber at Benjie Rodriguez dahil sa kanilang pagkakasangkot sa ilegal na droga at Absence Without Official Leave (AWOL).

Ang mga ito ay may ranggong corporal at isa sa kanila ay dating Scout Ranger na bihasa sa anti-guerrilla jungle warfare, raids, ambushes, close-quarters combat, urban warfare at sabotage.

Kasunod nito, suportado ng Phil. Army ang PNP at iba pang law enforcement agencies upang agad maresolba ang pamamaslang kay Degamo at iba pa. (BERNARD TAGUINOD/JESSE KABEL RUIZ)

73

Related posts

Leave a Comment