(NI BETH JULIAN)
NAIS ni Pangulong Rodrigo Duterte ng bago at matinong kausap para sa peace talks.
Sinabi ng Pangulo na ayaw na nitong kausap ang ‘bugoy’ at ‘matanda’ nang si CPP founding chair Jose Maria Sison.
Ayon sa Pangulo, isa ito sa dahilan kung bakit tuluyan na niyang isinara ang pintuan para sa usapang pangkapayapaan sa kanyang panahon.
Aniya, sadyang hindi na sila magkakaintindihan ni Sison kaya payo nito sa mga komunistang grupo na kung nais nilang maisulong at maituloy ang usapang pangkapayapaan ay makipag-usap na lamang sila sa susunod na Presidente ng Pilipinas.
Mayroon pang tatlong taong natitirang termino si Durerte o hanggang taong 2022.
Dahil dito, malamang na sa pag-upo ng susunod na maihahalal at mapapanumpang bagong Pangulo ng bansa sa 2022, maaaring matuloy ang pagsusulog ng peace talks.
Gayunman, may inilabas nang Executive Order 70 ang Pangulo na lumilikha sa inter agency task force na puputol sa local insurgency sa pamamagitan ng paglulunsad ng makabuluhan na programang pangbakbuhayan sa mga lokalidad na naglalayong hikayatin ang mga miyembro ng NPA na magsisuko at mamuhay na ng normal kasama ang kanilang pamilya.
Gagawin ang pakikipag usap ng pamahalaan katuwang ang local government units o sa lokal na antas sa bawat lugar na pinaniniwalaang pinamumugaran ng NPA.
345