MMDA dumepensa BAGONG NUMBER CODING ANTI-POOR?

PINALAGAN ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes na “anti-poor” ang iminumungkahing bagong number coding.

Aniya, hindi naman kasali sa ipinapanukalang number coding ang mga public utility vehicle na ginagamit sa transportasyon ng mga walang sasakyan.

Sa panukala ng MMDA, nais nilang bigyan ng parehong numero sa last digit ng plaka ang mga motoristang magpaparehistro ng ibang sasakyan.

Naniniwala si Artes na sa ganitong paraan ay hindi na maiengganyo ang mga Pilipino na bumili ng bagong sasakyan para lamang makaiwas sa number coding gamit ang ibang sasakyan na iba ang ending ng numero sa plaka.

“Sumulat ang MMDA sa LTO (Land Transportation Office) para ang bibili ng bagong sasakyan na may existing na sasakyan ang ma-issue na ending plate ng bago niyang bibilhing sasakyan ay katulad ng existing na sasakyan nila,” ayon kay Artes.

“Kunwari si Juan bumili ng sasakyan mayroon na siyang dating sasakyan ang ending plate ay 0, hihilingin po natin sa LTO na ang i-issue na plaka sa bagong sasakyan ay 0 din para di makaiwas sa number coding scheme,” aniya pa rin.

Sa ipinapanukalang bagong number coding scheme ng MMDA, inaasahan na mababawasan ng 40 porsiyento ang mga sasakyan sa kalye sa oras na umiiral ang plano dahil sa halip na isang araw lang mahahagip ang ending plate ng isang sasakyan ay magiging dalawang araw na ito sa bagong coding scheme na mula 5pm hanggang 7pm. (CHRISTIAN DALE)

119

Related posts

Leave a Comment