(NI BERNARD TAGUINOD)
SINABON ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Metro Manila Development Authority (MMDA) dahil sa kabila ng napakalaking pondo ng mga ito ay nagkalat pa rin ang mga basura sa Metro Manila.
Sa pagdinig ng House committee on Metro Manila Development na pinamumunuan ni Quezon City Rep. Winston Castelo, hindi naipatutupad ng MMDA ang Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 kaya kahit saang lugar ay mayroong makikitang basura.
Sa pagtatanong ng mga mambabatas, sinabi ni Engineer Emilio Llavor ng MMDA Planning and Design Division, na noong 2018, gumastos ang ahensya ng P1.77 Billion sa waste disposal sa sanitary landfill sa 56,052.37 cubic meters ng basura na kanilang nahahakot araw-araw.
“If the money is spent solely for the entire collection of the garbage, it is expected that Metro Manila will be cleansed and absent from any form of trash,” pahayag ni Castelo.
Hindi, aniya, katanggap-tanggap na sa kabila ng napalaking pera ng tax payers para malinis sa basura ang Metro Manila ay maraming basura kahit saang lumingon.
“Bakit marami pa tayong nakikita na basura sa mga waterways, riverbanks, creeks, at sidewalks? Hindi po ba nagkakaroon ng overpayment because the money is more than sufficient to contain the volume of trash. Seemingly, there is overpayment,” tanong pa ni Castelo.
Sinabi naman ni Sonia Mendoza, chairperson ng Mother Earth Foundation na dapat istriktong ipatupad ang nasabing batas partikular na sa barangay level upang maresolba ang problema ng basura sa Metro Manila.
Gayunman, hindi ito nangyayari kaya inatasan ni Castelo ang MMDA na seryosong ipatupad ang nasabing batas dahil kung hindi ay hindi mareresolba ang problema sa basura.
217