TINAWAG ni Senador Panfilo Lacson na mga sipsip at sulsol na wala sa lugar ang mga sinasabing tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagsusulong ng pagtatayo ng revolutionary
government.
“‘Yan ang gawain ng mga sipsip na wala sa lugar…Dapat huwag patulan, kasi ito siguro mga nasarapan sa buhay nila dahil di naman sila Presidente kundi tagasuporta. They never had it so
good.
Gusto nila siguro mag-revolutionary govt para wala nang election. Mga sulsol na wala sa lugar.
Ang tawag ng mga karpintero riyan, wala sa hulog,” saad ni Lacson.
Duda rin ang senador na alam ng Pangulo ang isinusulong na revolutionary government.
“Nakita natin pag nagsalita maski in private or small group meetings, pagod na pagod na ang mama (PRRD). Maski nang simula pa lang ito ibabagay ko lang, sabi niya tuwing tatawid siya sa Ilog Pasig naka-barge gusto niya tumalon para huwag na makarating ng Malacanang Palace.
Biro niya yan noon pa earlier on, I think 2016-2017, di niya akalain ganyan kalaki ang problemang haharapin
niya,” pahayag pa ni Lacson.
Ikinatuwa naman ni Lacson na hindi pinatulan ni PNP chief Police General Archie Gamboa ang imbitasyon umano para sa pulong sa revolutionary government.
“Mabuti na lang si Gen Gamboa di niya pinatulan. At wala dapat pumatol sa ganyan. Kasi anong dulo niyan, anong tinutumbok nila? Under the administration magtayo ng revolutionary govt?
Anong pakay?” diin pa nito.
Sa manifesto ng mga nagsusulong ng revgov, nananawagan sila sa taumbayan na umanib sa kanilang pagkilos para magdeklara ng revolutionary government na pamumunuan ni Pangulong
Duterte at saka magpapalit ng gobyerno tungo sa federalism.
Sinasabing kabilang sa mga pinadalhan ng imbitasyon para sa pagpupulong at manifesto signing sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Armed Forces chief of staff Ltgen Gilbert Gapay at
Philippine National Police chief Gen Archie Gamboa.
“Ah no meeting, hindi nakarating sa office ni CPNP (Gen Gamboa) , yung invitation. It was the Directorate for Operations that got hold of it and then nalipasan ng panahon,” pahayag ni PNP
Spokesman Bgen Bernard Banac.
Nagmula umano sa Mayor Rodrigo Roa Duterte – National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) ang imbitasyon, subalit nakita ito ni Gamboa sa mobile messaging app na may
petsang August 17, habang ang meeting ay gaganapin Miyerkoles, August 20.
“Yes, I have read it in the Viber. It’s supposed to be set yesterday but I am still trying to search for the communication kasi personally hindi pa umabot sa akin,” ani Gamboa.
Ang MRRD-NECC Revolutionary Government Committee ay pinangungunahan ng isang Bobby Brillante at ang grupong ito rin umano ang kumumbinsi kay Duterte para tumakbong president.
Samantala, kinumpirma ni Defense Secretary Lorenzana na nakatanggap din siya ng imbitasyon para sa isang pagpupulong sa sinusulong na revolutionary government pero hindi ito pormal na
ipinadala sa kanyang tanggapan.
“We do not support them.” pahayag pa ni Lorenzana. (DANG SAMSON-GARCIA/JESSE KABEL)
