(NI NICK ECHEVARRIA)
DUMAAN sa maingat na deliberasyon at beripikasyon ang ilalabas na narco list ng Pangulong Rodrigo Duterte at hindi ibinatay lamang sa mga sabi-sabi.
Ito ang ipinahayag ni Philippine National Police spokesperson P/Col. Bernard Banac na aniya’y pinaghirapan at pinagtulung-tulungang ipunin ng mga personnel ng PNP, PDEA, DILG, DDB at iba pang mga source.
Nangako naman ang PNP na tutulong sa paghahain ng mga kasong may kinalaman sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act laban sa mga personalidad na makakasama sa listahan sa sandaling maisapubliko ang narco list.
Tinututulan at binabatikos ng ilang mga mambabatas gayundin ng karamihan sa mga kumakandidato sa 2019 midterm elections ang planong pagsasapubliko ng narcolist sa pangambang gamitin ito bilang negatibong kampanya laban sa mga kandidato.
Ayon naman sa ilang senador at maging ng Comelec, makabubuting sampahan na lamang ng kaukulang kaso ang mga nasa narcolist sa halip na ipahya ito sa media.
Bagama’t sang-ayon naman ang PNP na ilabas ang listahan, ipinauubaya pa rin nila ang kapasiyahan sa pangulong Duterte kung isasapubliko o hindi ang narco list
124