NDRRMC ITINANGGING ‘SOURCE’ NG 8.1 LINDOL ADVISORY 

ndrmmc12

(NI NICK ECHEVARRIA)

HINDI dapat paniwalaan ang mga kumakalat na mga text messages at sa social media ‘news’ kaugnay sa parating na magnitude 8.1 na lindol sa bansa.

Ito ang binigyang-diin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kasunod ang paliwanag na hindi sa kanila nanggaling ang ipinadadalang mga advisory.

Ayon sa ahensya tanging ang “NDRRMC” account lamang ang kanilang ginagamit at hindi ang alin mang mobile numbers.

Hinihikayat din ng NDRRMC ang publiko na huwag maniwala sa mga kahinahinalang text messages at iwasang mag-like, mag-share o mag-forward ng mga  pekeng mensaheng ito.

Gayunman patuloy ang paghikayat nila sa publiko na mag-ingat at maging laging handa sa mga banta ng anumang sakuna kasunod ng dalawang malakas na pagyanig na naranasan sa malaking bahagi ng Luzon at sa Eastern Samar.

Nauna nang sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na wala pang teknolohiya na maaaring makapagsabi kung kailan at saan magaganap ang isang paparating na lindol.

Magugunitang isang araw lamang ang pagitan nang maganap ang dalawang magkasunod na malakas na pagyanig sa Luzon at Visayas.

Lunes nang yanigin ng magnitude 6.1 na lindol ang Zambales kung saan naitala sa bayan ng Castillejos epicenter nito at naramdaman sa iba pang bahagi ng Luzon at Metro Manila

Sinundan ito ng 6.5 magnitude na pagyanig na sumentro sa bayan ng San Julian sa Eastern Samar.

 

239

Related posts

Leave a Comment