Niluluto sa midterm elections? 3 DUTERTE SA SENADO

POSIBLENG sama-samang tumakbo sa Senado ang tatlo sa kanilang pamilya ayon kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay VP Sara, kinokonsidera ng amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtakbo bilang senador gayundin ang mga kapatid niyang sina Davao City 1st District Rep. Paolo “Polong” at Davao City Mayor Sebastian “Baste”.

Noong 2021 ay nagpahayag na rin ang dating pangulo ng planong pagtakbo sa Senado.

Ayon pa kay VP Sara, napipisil nila si Mayor Baste na patakbuhin sa pagka-presidente sa 2028 habang siya ay nagbabalak bumalik bilang alkalde ng Davao City.

China vs US

Magiging laban ng China at United States (US) ang 2025 midterm elections.

Reaksyon ito ni House deputy minority leader France Castro matapos isiwalat ni VP Duterte ang planong pagtakbo ng tatlo sa kanilang pamilya sa senatorial race sa 2025.

“Sa sinabing ito ni VP Duterte makikita na magiging all out na ang bakbakan sa pagitan ng dalawang paksyon ng naghaharing uri. Ang mga Duterte na backer ang Tsina at ang mga Marcos naman na ang US ang backer,” ani Castro.

Ang pagsisiwalat ni VP Duterte ay ginawa sa Cagayan de Oro City ilang araw matapos siyang magbitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) at co-chairperson ng National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

“Ang sabi ng Mama ko, ang tatakbong senador ay ang aking nakakabatang kapatid, si Baste Duterte. Siya ang tatakbo sa 2028 bilang President. Ang sabi ng mama ko babalik daw ako ng Davao, magma-mayor ako,” ayon sa statement ng Bise Presidente.

Tulad ng inaasahan, negatibo ang reaksyon ng pangunahing kritiko ng pamilya Duterte na si Castro dahil sa wakas ay nalantad na aniya plano ng dating unang pamilya na palawakin pa ang kanilang kapangyarihan at posisyon sa national politics.

“This is the height of bureaucrat capitalism, where a single family wants to control every aspect of a nation’s politics. Ginagawang negosyo ang pagtakbo sa posisyon sa gobyerno ‘di lang para mangurakot pero para pagtakpan din ang mga kasalanan nila sa mamamayan. Ginawa na ito ng pamilya Marcos, ngayon ang mga Duterte naman ang gustong pumalit,” pahayag ni Castro.

Kasabay nito, umapela ang mambabatas sa sambayanang Pilipino na maging mapagbantay at tutulan ang paglaganap ng political dynasties sa bansa at sa pamilyang gustong solohin ang kapangyarihan dahil mangapanib aniya ito sa demokrasya. (BERNARD TAGUINOD)

57

Related posts

Leave a Comment