NUCLEAR DEAL NI BBM SA US SISILIPIN NG KAMARA

(BERNARD TAGUINOD)

PINAIIMBESTIGAHAN ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nuclear deal na pinasok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa United States (US) na itinuturing na pinakamabilis sa lahat ng nilagdaan nilang kasunduan.

Ayon kay House deputy minority leader France Castro, nakababahala ang “civil nuclear cooperation agreement” na nilagdaan ng dalawang bansa kung saan pinapayagan ang US na magdala ng mga nuclear “equipment and material” sa Pilipinas.

Tinawag umanong “123 Agreement” ng dalawang bansa, na ayon sa mambabatas ay maglalagay sa peligro sa kaligtasan ng mga tao at kapaligiran lalo na’t ang bagong nuclear technology ay tinesting pa lamang sa Amerika.

“Once enforce, the so-called 123 Agreement will provide the legal basis for US exports of nuclear equipment and material to the Philippines. Ibang usapin kung simpleng research o pag-aaral lang sa nuclear energy pero ang mahirap dito baka tayong mamamayang Pilipino ang ma-123 at maging mga guinea pigs ng teknolohiyang ito na tinetesting pa lang ng US,” paliwanag ni Castro.

Dahil dito, inihain ng Makabayan ang House Resolution (HR) 582 para imbestigahan ang kasunduang ito.

Aniya pa, iniulat ng Military Times, ang matinding pagkabahala ni Professor Alan J. Kuperman, coordinator ng University of Texas sa Austin’s Nuclear Proliferation Prevention Project, ang microreactors na may potensyal na magkaroon ng leaks.

“Mahirap talaga ang ganitong teknolohiya labas pa sa nuclear leaks na maaaring mangyari lalo pa sa iba pang gagamitin nila na ‘high-temperature gas reactor,’ and its fuel source, known as high-assay low enriched uranium tristructural isotropic fuel pellets ay kayang magkalat ng radioactivity sa malawak na lugar at maaaring pumatay sa mamamayan, mga hayop at mga puno, icocontaminate din nito ang kalupaan,” ayon pa kay Castro.

Ang nasabing kasunduan ay bahagi umano ng plano ng gobyerno na mapababa ang presyo ng kuryente sa bansa na isa sa pinakamahal sa buong Asya lalo na sa Southeast Asian Countries (ASEAN).

36

Related posts

Leave a Comment