(BERNARD TAGUINOD)
NAIS malaman ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kung may natira pa sa P20.5 bilyong calamity fund na tanging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang nagdedesisyon kung saan ito gagastuin.
Ayon kay Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, tuwing may kalamidad ay nag-aambagan ang mga tao para matulungan ang mga biktima sa abot ng kanilang makakaya subalit may nakalaang pondo para rito.
Karapatan aniya ng taxpayers na malaman kung saan at paano nagamit ang pondong ito na sadyang inilaan para tulungan ang mga biktima ng kalamidad subalit kadalasan ay hindi lahat nakakatanggap ng tulong.
“Sa inaprubahang 2024 national budget — na malaking bahagi ay binubuo ng kinokolektang buwis mula sa taumbayan — may 20.5 bilyong piso na nakalaan para sa Calamity Fund (aka National Disaster Risk Reduction and Management Fund),” ani Manuel.
“Ang mga tanong natin. Sa 20.5 billion, gaano kalaki pa ang natira? Dahil noong nakaraang taon, napakabagal ng paggamit nitong pondo kahit na hinahagupit tayo lagi ng mga bagyo,” dagdag pa ng mambabatas na kasama sa Makabayan bloc.
Kung may natira man aniya sa nasabing pondo, nararapat itong ireport ni Marcos sa taumbayan dahil ayon sa ilalim ng General Appropriations Act, ang pangulo ang nag-aapruba ng bawat paggastos mula sa Calamity Fund.
Samantala, sinabi ni Manuel na mistulang binabalewala ni Marcos ang climate change na siyang numero unong disaster risk sa buong mundo dahil kahit marami nang sakuna ang dumaan ay hindi pa rin ito nagpapatupad ng climate emergency.
“Palala nang palala ang mga sakuna pero lumilitaw na hindi nakaposisyon ang mga nasa Malacañang para mamuno,” ani Manuel.
68