IGINIIT ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Supreme Court (SC) na mag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO) na pipigil sa paglilipat sa P89.9 billion pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa National Treasury upang hindi ito mawaldas habang wala pang desisyon kung legal o hindi ang ginawa ng Malacañang.
Ginawa ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang nasabing panawagan matapos kumpirmahin ni SC spokesperson Camille Sue Mae Ting na sa Enero 2025 pa maaaksyunan ng mga mahistrado ang petisyon ng iba’t ibang grupo hinggil sa constitutionality ng paglilipat ng pondo ng PhilHealth sa NTr.
“We laud the high court for this willingness, but this gesture will be more impactful if the tribunal issues a TRO now to prevent further transfers and the use of the money by executive agencies,” ani Rodriguez.
Nauna nang naglipat ang PhilHealth ng P30 billion sa NTr subalit kung hindi mag-iisyu ng SC ng TRO ay walang dahilan para hindi mailipat ang natitirang P60 billion hanggang December ngayong taon.
“Next week will already be November. So, the window for the Supreme Court to prevent the handover of the balance is closing,” paliwanag ng mambabatas.
Umapela rin ito kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na atasan ang Department of Finance (DOF) at Department of Budget and Management (DMB) na huwag munang gamitin ang nailipat na na pondo habang wala pang desisyon ang SC sa nasabing usapin.
Dapat aniyang igalang ni Marcos ang SC at hintayin ang kanilang desisyon bago gamitin ang pondo ng PhilHealth kaya kailangang pigilan muna aniya nito ang kanyang mga economic managers na gamitin ang hawak na nilang pondo.
Kasama si Rodriguez na naghain ng petisyon sa SC na kukuwestiyunin sa legalidad ng paglilipat ng pondo ng Philhealth sa NTr dahil hindi aniya ito pera ng gobyerno kundi ng mga miyembro ng nasabing state insurance. (BERNARD TAGUINOD)
128