P20/K NG BIGAS MALABO —DA

MALABONG mangyari ang campaign promise ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na bababa ng P20 ang kada kilo ng bigas.

Ito ang inamin ng Department of Agriculture (DA) sa pagdinig ng Kamara sa kanilang budget sa susunod na taon matapos uriratin ni Basilan Rep. Mujiv Hataman kung bababa na sa P20 ang presyo ng bigas kapag naging self-sufficient ang bansa pagdating ng 2028.

“Does it means Mr. chairman pagdating nung self sufficiency level natin maabot na rin natin yung P20 na campaign promise ng ating Pangulo?,” tanong ni Hataman matapos sabihin ni DA Undersecretary Leocadio Sebastian pagdating ng taong 2028 ay 95% hanggang 97% self-sufficient na ang bansa sa bigas.

“Our objective is affordability for our population Mr. Chair. Not P20 but we can maintain the affordable price. Yung P20 Mr. Chairman, medyo mahirap Mr. Chair,” pag-amin ni Sebastian kay Hataman.

Sa lahat ng pangako ni Marcos noong nakaraang eleksyon, ang P20 kada kilo ng bigas ang pinakanatandaan ng sambayanang Pilipino subalit imbes na mangyari ay tumaas ang presyo ng pangunahing pagkain sa bansa.

Nabuko rin sa nasabing pagdinig na bagamat may roadmap ang DA para makamit ang self-sufficiency sa pagkain ay hindi kasama sa plano na maibaba ang presyo ng bigas sa halagang P20 kada kilo.

Samantala, iginiit ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na dapat magkaroon na ng permanenteng kalihim ang DA upang matutukan ang problema lalo na ang pagtaas na presyo ng bigas.

“For DA to really function, kasi po baka maging Department of Angkat na tayo, para magkaroon tayo ng long-term solutions, magkaroon na din ng full time Agriculture Secretary,” ayon pa kay Manuel.

(BERNARD TAGUINOD)

260

Related posts

Leave a Comment