NAGHIHINTAY ang isang grupo ng mga magsasaka na may maipakulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na smuggler, cartel at price manipulators ng bigas.
Ito’y sa gitna ng hirit ng Office of the President na P4.5 bilyon intelligence funds.
Matatandaang nasa P10.134 bilyon ang kabuuang confidential and intelligence funds (CIF) sa panukalang 2024 budget, kung saan halos kalahati (P4.56 bilyon) ang mapupunta sa tanggapan ni Marcos Jr.
Kasabay nito, tinawag din ni Cathy Estavillo, spokesperson ng Bantay Bigas na ang BBM ay hindi na Bongbong Marcos o inisyal ng Pangulo kundi Bigas Biglang Mahal dahil imbes na bumaba ang presyo ay tumaas pa nang maging pangulo ito.
“Gayundin ang pagbuwag sa rice cartel. Nakita natin ang epekto nitong September kung saan may price manipulation, hoarding dulot ng rice cartels kaya naghihintay tayo sino ang ipapakulong sa natuklasan nilang mga rice hoarders at mga smugglers,” ani Estavillo.
Magugunita na kabi-kabila ang isinagawang raid sa mga bodega ng bigas noong nakaraang buwan kung saan ang mga nakumpiska sa Zamboanga ay ipinamimigay ngayon ni Marcos sa mahihirap na mamamayan.
Naniniwala si Estavillo na kilala na ng gobyerno ang hoarders at smugglers na ito subalit wala pang nakakasuhan sa mga ito.
Hinamon din ni Estavillo si Marcos na buwagin ang sabwatan aniya sa Department of Agriculture (DA) na pinamumunuan ng Pangulo kung nais nitong matigil na ang smuggling activities hindi lamang sa bigas kundi sa iba pang produktong agrikultura.
“Kasi hindi mangyayari itong smuggling, hindi nangyayari itong rice manipulation. Kita nyo naman yung bigas, yung bawang, sibuyas, asukal na talaga namang all time high pero walang nagawa ang gobyerno dahil may kasabwat sa loob ng Department of Agriculture,” ani Estavillo.
Isiniwalat din ni Estavillo na kahit panahon na ng anihan ay nananatiling mahal ang bigas sa bansa taliwas sa pangako ng Pangulo na bababa na ito ngayong Oktubre.
Isa sa mga dahilan kung bakit binawi ni Marcos ang Executive Order (EO) 39, na nagtakda ng price cap sa well milled at regular milled rice sa halagang P45 at P41 kada kilo, ayon sa pagkakasunod ay dahil sa harvest season ngayong Oktubre.
“October, peasant month, panahon ng anihan. Kahit panahon ng anihan nakita natin na napakamahal pa rin yung presyo ng bigas,” ani Estavillo.
(BERNARD TAGUINOD)
