(BERNARD TAGUINOD)
NAGKASA ng imbestigasyon ang Makabayan bloc sa mababang kapulungan ng Kongreso upang alamin kung bakit pinaboran ng gobyerno ang pagbili ng personal protective equipments (PPEs) mula sa China kumpara sa gawang Filipino.
Base sa House Resolution (HR) 1735 na inakda ng Makabayan bloc, inatasan ng mga ito ang House committee on trade and industry na magsagawa ng imbestigasyon.
Hindi sinabi ng mga mambabatas kung ilang bilyong piso ang halaga ng PPEs na inaangkat ng Pilipinas sa China subalit kabilang ito sa pinondohan ng Kongreso sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2.
Gayunpaman, imbes na tangkilikin ng gobyerno ang mga locally made na PPEs ay mas gusto ng mga ito na bumili sa China gayung kaya naman umanong magsuplay ng local manufacturers ang pangangailangan ng bansa.
Sa isang press conference anila noong Agosto 2020, sinabi ng Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (CONWEP) na kayang mag-produce ng Coalition of Philippine Manufacturers of PPE (CPMP) ng 57.6 milllion piraso ng medical grade N95, N88, KN95 at surgical mask sa isang buwan.
Bukod dito, kaya rin umanong gumawa ng local manufacturers ng 3 milyong piraso ng overalls and gowns at 1.5 milyong square-meter na medical-grade fabric kung kailangan.
“However, despite encouraging the local production of PPEs, the national government still preferred the procurement of imported PPEs from China. This importation preference, which not only affected our much need dollar reserves, also practically elbowed out local manufacturers that the government has asked to repurposed their factories for the anticipated increase demand for PPEs during pandemic,” ayon sa resolution.
Dahil sa pagpabor ng gobyerno sa China ay tinatayang 25,400 manggagawa umano ang nawalan ng trabaho.
