PAGHAHANDA SA HALALAN NG AFP, PNP PATAPOS NA!

WALANG dahilan para mangamba sa seguridad ng nalalapit na halalan, pagtitiyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) kasunod ng ulat na nasa huling yugto na ang paglalatag ng mga mekanismong magbibigay daan para sa isang tapat, maayos at mapayapang eleksyon sa Mayo.

Ayon kay AFP chief of staff General Andres Centino, bumalangkas na rin ang kanilang pamunuan ng mga dapat isakatuparan ng mga unified at division commanders sa buong bans ana napag-atasang rebisahin ang mga nakalatag na security measures sa kani-kanilang sakop na lugar –partikular yaong mga lalawigan, lungsod o munisipalidad na pasok sa kategorya ng areas of immediate concerns.

Maging si PNP chief General Dionardo Carlos, kumpyansang magiging maayos ang halalan sa Mayo bunsod ng pinaigting na ugnayan sa pagitan g mga PNP – Directorate for Integrated Police Operations sa iba’t ibang unit commanders kaugnay ng deployment ng PNP uniformed personnel.

Sa datos ng PNP chief, mahigit 40,000 PNP uniformed personnel ang nakatakdang i-deploy para sa takdang araw ng halalan sa Mayo.

Kasado na rin aniya seguridad sa lahat ng rehiyon, bukod pa sa pagtataas ng security alert levels na siyang magiging batayan ng paghihigpit na isasagawa sa iba’t ibang panig ng bansa.

Pahayag pa ng heneral, handa na sila sa eleksyon. Patunay aniya nito ay ang sabayang ground monitoring phase habang tinututukan naman ng kanilang Regional Special Operation Task Group ang mga kritikal na lugar.

Una nang pinangunahan ng Commission on Elections (Comelec), AFP at PNP ang paglagda sa isang peace covenant kasama ang mga kandidato sa mga lalawigan ng Basilan, Sulu at Tawi-Tawi na pawang may kasaysayan ng karahasan sa mga nakalipas na halalan.

Sa Mindanao, 12 lugar sa mga lalawigan ng Maguindanao at Lanao del Sur ang planong isailalim sa Comelec control bunsod ng mga intelligence reports hinggil sa tensyong sa pagitan ng mga maagkakatunggali sa pulitika. (JESSE KABEL)

133

Related posts

Leave a Comment