(NI BETH JULIAN)
MAY sariling disposisyon ang gobyerno ng Hong Kong sa pagpapatupad na kanilang batas kaugnay sa kung papapasukin nila sa kanilang bansa o hindi ang isang indibidwal.
Ito ang posisyon ng pamahalaan ng Pilipinas kaugnay sa pagharang at hindi pagpapatuloy papasok sa Hong Kong kay dating DFA secretary Albert del Rosario.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, wala rin karapatan ang gobyerno ng Pilipinas na kuwestyunin ang ginawang pagharang kay del Rosario ng Hong Kong Immigration.
Matatandaan na hinarang at pinigil ng hgit limang oras sa airport ng Hong Kong si Del Rosario.
Paliwanag ni Panelo, nasa hurisdiksyon ng Hong Kong governnent ang desisyon ng pagpapapasok ng sinuman sa kanilang teritoryo kahit na diplomatic passport pa ang bitbit nito.
“Kahit ano pa ang pakay basta’t sinabi ng kanilang immigration na hindi maaaring papasukin ay wala tayong magagawa. Hindi rin naman natin pwedeng kuwestyunin iyon,” giit ni Panelo.
Gayunman, tiniyak ni Panelo na sa kabila ng pangyayari ay ginagawa naman ng pamahalaan ang lahat para mabigyan ng assistance si del Rosario.
165