(BERNARD TAGUINOD)
TUMITINDI ang pagnanakaw ng China ng pagkain sa West Philipine Sea na dapat ay para lamang sa mga Filipino.
Sinabi ito ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano at binigyang-diin na parami nang parami ang Chinese fishing vessels na ilegal na nangingisda sa mismong teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
“Pagkain ng mga Filipino ang ninanakaw ng China sa mismo pa nating teritoryo,” ani Alejano makaraan maglabas ang Washington-based think tank na Asian Maritime Transparency Initiative (AMTI) ng satellite image ukol sa sandamakmak na Chinese fishing vessels sa ating teritorial water.
Ayon kay Alejano, sinabi ni AMTI Director Gregory Poling, na mas dumami pa ang mga nangingisdang Chinese nationals sa West Philippine Sea noong 2018 kumpara noong 2017 base sa kanilang satellite image.
Hindi ito ipinagtaka ni Alejano dahil tahimik at hinahayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang China sa kanilang mga nais gawin sa West Philippine Sea dahil umuutang sa nasabing bansa.
“This has emboldened China to continue its illegal actions in the area which inlude poaching and robbing our maritime resources. Mesa ng pamilyang Filipino ang nawawalan ng pagkain dahil sa pagiging bulag, pipi at bingi ng gobyerno sa pagnanakaw at pang-aabuso ng China,” ani Alejano.
Nangyayari aniya ito habang pinagbabawalan ng China ang mga mangingisdang Filipino na mangisda sa Scarborough Shoal kaya pakonti na nang pakonti ang kanilang huli.
Mayron aniyang pag-aaral na hindi bababa sa 10 milliong metric tons ng isda ang nakukuha taon-taon sa West Philippine Sea bukod sa langis na nakadeposito rito, kaya seryoso ang China na agawin ito sa Pilipinas.
“Kung patuloy na hindi kikibo at aaksyon ang administrasyon, isa lang ang maaaring mangyari: magugutom ang mga Filipino pati ang mga susunod na henerasyon,” babala pa ni Alejano.
237