Paglagda ni BBM inihalintulad sa magnanakaw P500-B MAHARLIKA FUND SASAGIPIN SA KORUPSYON

(BERNARD TAGUINOD)

DESIDIDO ang grupo ng dating mambabatas na idulog sa Korte Suprema ang legalidad ng Maharlika Investment Fund (MIF) law lalo pa’t tila sinadya umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na itago sa sambayanang Pilipino ang nilalaman nito.

Ayon kay Bayan Muna chairman at dating Congressman Neri Colmenares, hanggang sa huling pagkakataon ay itinago ni Marcos at kanyang ‘gang’ ang batas at maging ang pagpirma nito kahapon dahil ginawa ito nang walang abiso.

“Like a thief in the night, Pres. Marcos signed the Maharlika law, which no one, except Marcos and his team, has seen since the Senate approved it on May 31, 2023 and amended by a viber approval sometime in June,” pahayag ni Colmenares.

Sinabi ng mambabatas na maraming senador at congressmen ay hindi pa nababasa ang nilalaman ng MIF matapos magkasundo ang iilan sa dalawang kapulungan ng Kongreso na baguhin ang orihinal na bersyon kung saan idinaan lamang ito sa viber group.

Dahil dito, hindi aniya agad tinupad ang pangako ng Pangulo at mga lider ng Kongreso na ang lahat ng impormasyon kung papaano gagastusin ang P500 billion na pondong ilalagak sa MIF ay magiging transparent sa publiko.

“This is proof that this is hogwash! Kung sinekreto nila ang batas, lalo na kung paano ito winaldas. Bakit nila tinago sa taumbayan ang bill? After all pera ng taumbayan yan,” dagdag pa ng dating mambabatas.

Dahil dito, magsasampa umano sila ng petisyon sa Korte Suprema para kuwestiyonin ang legalidad ng MIF law para ilaban at masagip ang P500 bilyon sa korupsyon at abuso.

“Kailangan ng mamamayan ang pondong ito para sa libreng gamot, ayuda at edukasyon. Dapat din iprotesta sa kalye ang pagpasa nito. Tuloy ang laban sa korte, sa Kongreso at sa kalsada,” dagdag xpa ni Colmenares.

Pagkain hindi Maharlika

Para naman sa mga magsasaka, “pagkain sa mesa, hindi Maharlika Fund at pambobola sa masa” ang dapat gawin ng administrasyong Marcos Jr.

Ayon kay Cathy Estavillo, spokesperson ng Amihan at Bantay Bigas, imbes na pagkain sa mesa ay mas tinutukan ni Pangulong Marcos Jr., ang MIF sa kanyang unang taon bilang pangulo at kalihim ng Department of Agriculture.

“Dapat unahin din ni Marcos ang paglikha ng trabaho sa malawak na labor force kasabay ng nakakabuhay na sahod, ayuda, at abot-kayang presyo ng mga pagkain. Hindi rin pabor sa mga magsasaka ang Maharlika fund dahil huhuthutin lamang nito ang pondong nakalaan para sa subsidyo at sa kabuuan, pabor lamang kina Marcos at mga kaalyado niya,” ani Estavillo.

“Panay pambobola sa mga magsasaka at konsyumer ang ginawa ni Marcos, walang konkretong solusyon para magkaroon ng pagkain sa mesa at maresolba ang napakalalang kagutuman at kahirapan,” dagdag pa ni Estavillo.

Sinabi naman ni ACT party-list Rep. France Castro, ipinipilit pa rin ni Marcos ang MIF gayung baon na baon na ang bansa sa utang, na ayon sa pinakahuling datos ng Bureau of Treasury (BTr) ay umaabot na ito sa P14.1 trillion noong Hunyo.

Subalit, ayon kay House committee on ways and means chairman Joey Salceda, magiging tulay ang MIF para gamitin ng mga bangko sa bansa ang kanilang P19 trillion pondo na hindi nagagamit dahil wala silang pinaglalagakan.

Bukod dito, may P5.7 trillion naman aniya ang corporate money mula sa P9.03 trillion na kinita ng mga korporasyon sa unang anim na buwan ng 2023 ang hindi nila alam kung saan gagamitin kaya maaari na itong ipasok sa MIF bilang puhunan.

Hindi pambili ng luho – Marcos Jr.

Tiniyak naman ni Pangulong Marcos Jr. sa publiko na hindi gagamitin ang MIF para ipambili ng luxurious items.

Hindi kasi lingid sa kaalaman ng Pangulo ang mga kontra at salungat na pahayag sa newly-signed law.

“I note that some of the objections very early on, I would hear some people commenting, hindi ba pag may pera tayong ganyan, may pondo tayong ganyan, dapat ilagay ‘yan sa agricultural, ilagay ‘yan sa infrastructure, dapat ilagay ‘yan sa energy development,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Eh nanonood ako ng television sabi ko, siyempre kinakausap ko ang TV, saan niyo kaya iniisip na ilalagay ‘yan, bibili kami ng magagarang kotse? bibili kami ng malaking yate? that’s… it makes me laugh because that is so far from the truth,” dagdag na wika nito.

Nauna rito, nilagdaan ng Chief Executive upang maging ganap na batas ang MIF, kung saan gagamitin ang state assets para sa investment ventures para makalikha ng karagdagang public funds. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

397

Related posts

Leave a Comment