PAGTAAS NG RENTA NG BAHAY IKINABAHALA

house12

(NI BERNARD TAGUINOD)

LABIS na ikinabahala ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pataas nang pataas na renta ng mga bahay kasama na ang mga kuwarto dahil ang mga mahihirap ang apektado dito.

Ayon kay 1Pacman party-list Rep. Mikee Romero, kailangang mapigilan ang pagtaas ng upa ng mga bahay habang hindi nareresolba ang problema sa pabahay sa bansa dahil ang nagdudusa umano dito ang mga dukha.

Ginawa ng mambaatas ang pahayag matapos lumabas sa consumer price index na mula Marso 2018 hanggang Marso 2019 ay tumas ng 2.9% ang renta ng mga bahay at maging ang isang simpleng kuwarto.

Sa tuwing tumataas aniya ang upa ng mga apartment, maging ang mga maliliit na kuwarto, ay nagbabawas ang mga nangungupahan sa budget ng kanilang pagkain at naisasakripisyo ang kanilang kalusugan.

“Iyong mga dukha, babawasan nila ang gastos sa pagkain at kalusugan para lamang may pambayad sa renta. Ang iba naman mapipilitang mangutang para hindi sila maging homeless,” ani Romero.

Sinabi ng mambabatas na kung magpatuloy ang pagtaas ng renta ng mga bahay ay “”lalo pang lumalayo sa abot ng kakayahan ng mga pamilyang Pilipino ang disenteng pabahay”.

Dahil dito, kailangang aniyang bilisin ang pagpapatupad sa Republic Act 11202 o ang pagtatatag ng Department of Human Settlements and Urban Development upang maresolba na ang problema sa pabahay sa bansa.

Naniniwala ang kongresista na mapipigilan ang labis na pagtaas ng halaga ng pabahaya at upa sa mga apartment o kuwarto sa buong bansa kapag naitatag na ang  nasabing departamento.

“Protektahan nawa ng magiging Housing Secretary ang mga nangungupahan at nagnanais makakuha housing loans,” dagdag pa nito.

 

318

Related posts

Leave a Comment