(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
MAHIHIRAPAN ang Malacañang na pasinungalingan ang mga rebelasyon ni Cathy Binag hinggil sa umano’y paggamit ng droga noon ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ito ayon kay Atty. Harry Roque ay dahil may personal knowledge si Binag sa ipinupukol na akusasyon.
“Itong Cathy Binag po kakilala ko ‘yan dahil kasama ko talaga noong 17th Congress ‘yung dati niyang partner na si Congressman Tony Boy Floirendo at siyempre ‘yung mga panahon noon ay very close sila ni Speaker Pantaleon Alvarez,” ayon kay Roque.
Ginulat ang publiko sa paglabas ni Binag na tahasang inakusahan si Pangulong Marcos na gumagamit ng white powdery substance na tinatawag ding ‘coke’.
Si Binag ay lumabas sa panayam ng vlogger na si Maharlika.
Kwento ni Binag, ilang beses niyang nasaksihan na gumagamit ng white powdery substance o cocaine si Marcos Jr.
Ito aniya ay sa mga pagkakataon sa loob ng 10 taong relasyon nila ni dating Davao del Norte 2nd District Rep. Antonio ‘Tonyboy’ Floirendo.
Si Floirendo ay ilan lamang sa mga malapit na kaibigan ng mag-asawang Bongbong at Liza Marcos.
Kaya ani Roque, mahirap pasinungalingan ang isyu ng illegal drugs ni Marcos Jr. sa paglantad ngayon ni Binag na maituturing na star witness.
Kasabay nito, hinikayat ni Roque si Pangulong Marcos na tumugon sa mga ibinabatong akusasyon sa kanya ni Binag.
“So ngayon, dapat naman po magsalita na ang Presidente. Napakahirap pong itanggi, pasinungalingan ang naging kwento ng isang tao na naging malapit sa isa sa pinaka-bespren ng Presidente,” giit ni Roque.
Samantala, naging bahagi rin ng rebelasyon ni Binag na mayroon siyang 150 USB na naglalaman ng mga ebidensiya laban kay Marcos Jr. na kanyang ipinamigay sa malalapit na kakilala.
Isasapubliko aniya ang mga ito kapag may nangyari sa kanya dahil sa kanyang mga isiniwalat.
Naging kontrobersyal si Binag noon na itinurong dahilan ng pag-aaway ng kanyang partner na si Floirendo at dating Speaker Pantaleon Alvarez. Siya rin ay inakusahang palengkera at kinondena ng mga kapatid ni Floirendo.
Si Maharlika naman o Claire Contreras na naka-base sa Amerika ay kinasuhan kamakailan ni PCSO General Manager Mel Robles dahil umano sa paulit-ulit na paninira sa kanya.
388