PALPAK NA VCM MAS MATAAS KUMPARA NOONG 2016

COMELEC12

(NI HARVEY PEREZ)

LUMOBO pa ang bilang ng mga pumalpak na vote counting machines (VCMs) at security digital (SD) cards  ngayon midterm polls.

Sinabi ni Commission on Election (Comelec) chair Sheriff Abas, sa isang press briefing isinagawa sa  command center sa Philippine International Convention Center (PICC), nakapagtala sila ng 961 VCMs na nagkaaberya at kinailangang palitan upang matuloy ang halalan.

Ito ay mas mataas kumpara sa 400 hanggang 600 VCMs na pagtaya ng poll body na sumablay nitong Lunes.
Sa kabila nito,nilinaw ng Comelec  na maliit na porsiyento lamang naman ito o 1.1% ng kabuuang 85,796 VCMs na ginamit nila sa eleksiyon.

Samantala, nasa 1,665 o 1.9% ng kabuuang 85,796 SD cards ang nag-malfunction din sa kasagsagan ng halalan, at napalitan na  ang 1,253 dito.

Nabatid na ang mga pumalyang VCMs at SD cards ngayong taon ay mas marami kumpara sa mahigit 800 VCMs at 120 SD cards lamang na pumalya noong 2016 presidential elections.

Ayon sa  mga Comelec officials,  ang dahilan ng malfunction ng VCMs, SD cards, mga papel at maging ng marking pens, ay dahil sa kalidad ng mga ito.

Siniguro naman ng Comelec  na paiimbestigahan nila ang mga naturang aberya at malfunction upang mapanagot ang mga supplier nito, kung mapatutunayang nagkaroon sila ng paglabag sa kontrata.

“We are going to investigate after this elections kung ano ba talaga ang naging cause ng defective SD cards and then papanagutin natin kung sino ang may cause talaga,” ayon kay Abas.

Kaugnay, nito sa kabila ng mga naranasan problema na nasolusyunan naman, ipinagmalaki naman ni Abas na wala silang naitalang failure of elections sa midterm polls.

122

Related posts

Leave a Comment