PAMASAHE SA MODERN JEEP SISIPA SA P40-P50

HINDI malayong umabot sa P40 hanggang P50 ang pamasahe sa mga modern jeep kapag tuluyang nawala sa mga lansangan ang mga traditional jeep, upang mabawi agad ng mga operator ang kanilang puhunan.

Dahil dito, nakiisa na ang grupo ng kababaihan sa transport sector sa kanilang laban na ibasura ang Public Utility Vehicles Modernization Program (PUVMP) dahil hindi lamang ang mga tsuper at operators ang maaapektuhan kundi 28 milyong commuters.

“Aabot ng halagang P2.5-2.8 milyon ang presyo ng mga ‘modern’ jeepney; 600%-1150% na pagtaas sa presyo ng traditional jeepney. Dahil dito, inaasahan din na aabot Php 40-50 ang pamasahe. Lagpas 28.5 milyon na komyuter ay mahihirapan,” ani Zenaida Soriano, tagapangulo ng Amihan.

Unang sinabi ng PISTON na sa kanilang hanay pa lamang ay aabot na sa 140,000 tsuper ang mawawalan ng trabaho mula Enero 1 at 60,000 naman ang operators na mawawalan ng kita.

Gayunpaman, mas apektado ang mga commuter kapag tumaas ng P40 hanggang P50 ang regular na pamasahe dahil kailangang mabawi agad ng mga sumali sa nasabing programa ang kanilang puhunan sa modern jeep.

Desidido na ang Marcos administration na ituloy ang PUVMP matapos ibasura ang panawagan ng transport sector na iatras ang consolidation ng mga prangkisa sa itinakdang deadline ngayong December 31, 2023.

“Hindi nakikita ng de-kotseng gahaman na si Marcos Jr. at kanyang mga alipores ang paghihirap ng mga tsuper at komyuter araw-araw, lalo na sa ilalim ng kanyang rehimen kung saan pataas nang pataas ang presyo ng langis at mga pangunahing bilihin,” reaksyon ni Soriano.

Sa Kamara, umaasa si ACT party-list Rep. France Castro na kakatigan ng Korte Suprema ang petisyon na inihain ng PISTON para itigil ang PUVMP sa pamamagitan ng kanilang abogadong si dating Congressman Neri Colmenares.

Ayon sa mambabatas, magkakaroon ng transport crisis sa pagpasok ng taon kapag pinagarahe nang tuluyan ang mga traditional jeep kaya kailangang mapigil ito at tanging ang Korte Suprema na lamang aniya ang pag-asa.

(BERNARD TAGUINOD)

465

Related posts

Leave a Comment