PINAG-IISIPAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na konsultahin ang kanyang mga predecessor kaugnay sa incursions ng China sa West Philippine Sea sa halip na pulungin ang National Security Council (NSC).
Tugon ito ng Palasyo sa sinabi ni dating Senador Rodolfo Biazon na kailangan nang hikayatin ng mga senador si Pangulong Duterte na pulungin ang NSC para linawin ang nakalilitong posisyon ng pamahalaan sa usapin ng WPS.
“Unang-una, wala pong confusing sa stand ni Presidente sa West Philippine Sea,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Aniya, ang polisiya ng pangulo sa China ay para pansamantalang isantabi ang mga usapin na dahilan ng hindi pagkakaunawaan at isulong ang “commerce and investments.”
“Pero hinding-hindi tayo mamimigay ng teritoryo at paninindigan at pangangalagaan natin ang pangnasyunal na soberenya at ang ating mga sovereign rights,” paglilinaw ni Sec. Roque.
“Pangalawa, actually nabanggit po sa akin iyan ni Presidente, ang problema doon sa National Security Council, wala naman pong nari-resolve doon sa mga pagkakataon na naka-attend siya,” dagdag na pahayag nito.
Ang NSC ay isang advisory body kung saan tinatalakay ni Pangulong Duterte ang mga usapin na may kinalaman sa national security at foreign policy kasama ang mga relevant advisers at Cabinet officials.
“Instead of convening the NSC, Duterte is thinking about inviting past presidents and some personalities to a meeting and “discuss the issue,” ang pahayag ni Sec. Roque.
Wala pa aniyang tentative date para sa posibleng pakikipagmiting ng pangulo sa kanyang predecessors.
“The President is considering the idea of an alternative to convening the National Security Council. Pero iyon po, still in the process of consideration,” aniya pa.
Hindi naman binanggit ni Sec. Roque kung iimbitahin ni Duterte si dating pangulong Benigno Aquino III, na hayagang sinisisi ng administrasyong Duterte sa pag-atras ng barkong pandigma ng Pilipinas mula sa Scarborough Shoal sa West Philippine Sea sa standoff noong 2012 at ang kalaunan ay pag-angkin na ng China sa sinasabing “rich fishing grounds.” (CHRISTIAN DALE)
94