PINABORAN ni Senador Grace Poe ang desisyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na patawan ng parusa ang dalawang bankong sangkot sa hacking incident noong nakaraang Disyembre.
Sa pahayag, sinabi ni Poe na nararapat lamang ang ginawang pag-anunsyo ng BSP ng pag-sanction nito sa mga nabanggit na bangko.
“Umaasa ang mga depositor ng buong pananagutan nila para sa mga danyos at nawalang halaga,” giit ni Poe.
Sinabi ni Poe na ang paglalatag at pagbubukas ng detalye ng naturang sanction at hakbang na ginawa ng pamahalaan ay makatutulong upang ganap na magtiwala ang ating mga konsyumer.
“Inaasahan nating paiigtingin ng mga bangko ang kani-kanilang internal na sistema para masigurong hindi na muling makokompromiso ang mga pinaghirapang ipon ng ating mga kababayan,” giit niya.
“Ang malalim na tiwala ng publiko sa integridad ng sistema ng mga bangko ay mahalaga sa pagbangon ng ating ekonomiya,” patapos ni Poe.
Kamakailan, inaprubahan ng BSP ang parusa laban sa BDO Unibank at UnionBank of the Philippines hinggil sa nangyaring hacking noong nakaraang Disyembre na lubhang nakaapekto ang maraming depositor.
Sa pahayag nitong Huwebes, sinabi ni BSP na natapos ang kabilang imbestigasyon sa hindi awtorisadong pagpasok sa accounts ng BDO at nailipat ang pondo sa Union Bank.
“Based on the results of the investigation, the Monetary Board (MB) approved the imposition of sanctions on BDO and UBP to ensure that both banks will swiftly address the issues,” ayon sa BSP. (ESTONG REYES)
111