TILA walang plano ang Kongreso na parusahan ang mga nuisance candidates dahil tinulugan ng mga ito ang mga panukalang batas na magpaparusa sa mga ito dahil ginagawang katatawanan ang halalan.
Maging ang panukalang batas ni presidential son at Ilocos Norte Rep. Alexander Marcos na pagmultahin ang mga isang nuisance candidate na binabayaran para labanan ang kaparehong pangalan na kandidato ay tila tinabla ng Kamara.
Sa record ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, tatlong panukalang batas ang nakahain na kinabibilangan ng House Bill (HB) 9676 na iniakda ni Quezon City Rep. Ma. Victoria Co-Pilar para patawan ng parusa sa mga nuisance candidates.
“Despite the efforts of the Commission on Elections (Comelec) to deny due course or to order the disqualification of a nuisance candidate, the lack of stiffer language in the law to prohibit the engagement of a nuisance candidate puts the entire electoral system into disrepute which then misleads the citizenry,” paliwanag ng mambabatas.
Upang maremedyuhan ang problemang ito, kailangan aniyang amyendahan ang Batas Pambansa 881 o Omnibus Election Code of the Philippines subalit mula nang ihain ito noong December 2023 ay hindi pa nakapending pa ito sa House committee on suffrage and electoral reform.
Nais ni Co-Pilar na maparusahan ng isa hanggang anim na taong pagkakabilanggo at multang hindi bababa sa P50,000 ang mga nuisance candidates upang mapreserba ang kasagraduhan ng sistema ng eleksyon sa bansa.
Layon din ng HB 8415 na iniakda ni Marcos at HB 6204 ni dating Valenzuela representative at ngayo’y Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na puntiryahin ang mga kandidato na binayaran at pinatakbo ng isang pulitiko o grupo para guluhin at lituhin ang mga botante.
Ang tinutukoy ng mga ito na mga nuisance candidate na kaapelyido ng isang kandidato na bagama’t walang kakayahang tumakbo ay naghain ito ng kanyang certificate of candidacy (COC) na kapag naging batas ay pagmumultahin ang mga ito ng P50,000.
Inihain ni Marcos ang kanyang panukala noong Mayo 2023 habang nakahain noon pang November 2022 ang HB 6204 ni Gatchalian subalit nakapending pa ito sa nasabing komite at wala nang pag-asang maging batas ngayong 19th Congress dahil wala ng oras.
Kahapon ay nagsimula nang maghain ng kanilang COC ang mga kandidato sa 2025 midterm election kung saan maraming itinuturing na nuisance candidate. (BERNARD TAGUINOD)
87