(NI BERNARD TAGUINOD)
KAPAG nagkataon, magiging buena-mano sa imbestigasyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa 18th Congress ang Philhealth dahil sa umano’y ‘ghost kidney patients’ na binabayaran ng nasabing ahensya sa isang private clinic.
Inihahanda na ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang resolusyon para imbestigahan ang Philhealth matapos mabunyag ang panibagong anomalya na may kaugnayan sa dialysis treatment na sinisingil ng isang dialysis clinic kahit patay na ang pasyente.
“Congress must investigate on the matter at the soonest possible time,” ani Zarate para mapigilan ito dahil kung hindi ay manganganib ang pondo para sa mga kidney patients na nanangangailangan ng dialysis.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos lumapit kay dating Presidential spokesperson Harry Roque ang dalawang dating tauhan ng WellMed Dialysis Center sa Novaliches, Quezon City na naningingil ng bayad sa Philhealth kahit patay na ang kanilang pasyente.
“Maraming namamatay dahil hindi nila kaya ang mataas na bayarin para sa dialysis treatment. Sa kabila nito, ay nakukuha pa silang nakawan ng ilang mapagsamantalang negosyante,” ani Zarate at idinagdag na hindi aniya ito dapat palagpasin.
Sa ngayon ay libre ang 90 sessions na dialysis sa mga miyembro ng Philhealth at upang matulungan pa ang maraming tao lalo na ang mga kapus-palad ay pinagtibay ng Kamara noong Mayo 28 ang panukalang batas na ilibre na ng tuluyan ang lahat ng mga Filipino.
Gayunpaman, malabong maging batas ang nasabing panukala dahil hindi naipasa ng Senado ang kanilang hiwalay na bersyon subalit kasama umano ang benepisyong ito sa Universal Health Care law.
Pero ayon kay Zarate, bubuhayin nila ang nasabing panukala sa 18th Congress upang gawing 156 ang libreng dialysis session sa mga mahihirap na pasyente dahil ganito karami umano ang kailangan ng mga pasyenteng ito.
“In the same line, we must also look into the possible removal of PhilHealth from the equation and let the funds go straight to public hospitals that would expedite treatments,” ayon pa sa mambabatas.
202