(NI NICK ECHEVARRIA)
NAKAPAGTALA ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng pinakamalaking bulto ng mga nasamsam na methamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na shabu sa unang quarter ng 2019 sa buong kasaysayan nito.
Ayon kay PDEA Director General Aaron N. Aquino, umaabot sa 776.06 kilo ng shabu ang nakumpiska sa unang quarter ng 2019 na nagkakahalaga ng P5.27 bilyon at nalagpasan pa nito ang mga nahuling shabu sa pinagsamang ulat na naitala sa mga unang quarter ng taong 2009 hanggang 2018 na umabot lamang sa 672.42 kilos na may halagang P4.58 bilyon.
Lumalabas sa ulat ng PDEA na mas mataas ng 103 kilos ang mga nakumpiskang shabu sa unang bahagi ng 2019 kaysa sa mga unang bahagi ng 2009-2018 na may katumbas na halagang P704,752,000.
Sinabi ni Aquino na ito na ang pinakamataas na bulto ng shabu na naitala sa unang tatlong buwan sa kasaysayan ng PDEA, mahigit pa sa doble umano ang itinaas nito kung ikukumpara sa pumapangalawang pinakamataas na naitala noong 2015 na mayroon lamang 314.47 kilos sa halagang P2.14 bilyon.
Tinukoy ni Aquino ang malaking volume ng mga shabu na nakumpiska sa Cavite, Muntinlupa at Maynila kung saan umabot ito sa kabuuang 716 kilos na bilyung-bilyong piso ang halaga na nagresulta sa pinakamalaking halaga ng shabu na naitala sa mga operasyon ng PDEA sa loob lamang ng nasabing panahon.
Sa naitalang 2,034 na mga anti-drug operations ng PDEA, 2,818 na mga drug personalities ang naaresto sa unang quarter ng 2019 at pinakamarami rin ito simula noong 2009 na mas mataas ng 76.10% samantalang 72.35% naman kung ihahambing ito sa naitalang record nitong 2018 sa parehong panahon.
Binigyang-diin ni Aquino na malaking dagok sa operasyon ng ipinagbabawal na gamot ng mga high value targets na kanilang nasapol ang mga nakumpiskang bulto-bulto ng droga sa loob ng unang tatlong buwan ng 2019.
Idinagdag pa ng PDEA chief na prayoridad din ngayon ng kanilang ahensiya ang pagtatayo ng mga “Balay Silangan” o mga tahanan para sa mga sumusukong drug personalities at sa mga batang solvent na nalulong sa droga.
197