(NI BERNARD TAGUINOD)
DAPAT ihanda na ng mga opisyales ng Department of Education (DepED) ang kanilang sarili dahil maaaring kasuhan ang mga ito ng plunder kaugnay ng daan-daang milyong halaga ng text book na punong-puno umano ng mali.
“This is plunder,” ani Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr, sa press conference ng Minority bloc sa Kamara nitong Miyerkoles kaugnay ng P254 milyong halaga ng textbooks na binayaran ng DepEd kahit maraming mali.
Bukod ito sa may P113.7 million libro na hindi ipinamahagi ng DepEd na pinanggigilan ng mga kongresista dahil habang gumagastos ang mga guro sa pagpapa-xerox para may materyales lang ang kanilang mga estudyante ay nabubulok lang ang mga librong ito sa bodega ng DepEd.
Sa ilalim ng plunder law, P50 Million lang ang kailangang halaga para makasuhan ng plunder case na isang heinous crime at walang piyansa habang dinidinig ang nasabing kaso.
Ayon kay Teves, responsibilidad ng DepEd officials na siguraduhin na tama ang mga teksto sa librong inorder bago bayaran ang kontratista subalit mistulang hindi ito ginagawa ng ahensya.
“Dapat hindi binayaran dahil maraming mali sa libro. Ang tanong bakit binayaran pa rin” ayon pa sa mambabatas kaya mag-iimbestiga umano ang mga ito upang matukoy kung sino ang responsable dito at irerekomenda umano ng mga ito na kasuhan ang mga ito ng plunder.
Naniniwala naman si House minority leader Benny Abante na korupsyon umano ang puno’t dulo ng mga librong punong-puno ng pagkakamali dahil lagi na umano itong nangyayari.
“Ang bottom line dito is corruption. Why this is being repeated all the time,” ani Abante dahil noong unang naging Congressman aniya ito, mahigit 9 taon na ang nakakaraan ay nangyayari na aniya ito (mga librong mali-mali),” ani Abante.
Sinabi naman ni A-Teacher party-list Rep. Victoria Umali na huwag aniyang umasa ang DepEd na gagaling pa ang mga estudyante kung ang mga librong ibinibigay ng ahensya sa mga ito ay mali-mali.
147