PRIVATIZATION NG AIR TRAFFIC MANAGEMENT SYSTEM MAPANGANIB

TUTOL si Senador Raffy Tulfo sa panukalang isapribado ang operasyon ng communications, navigation, and surveillance/air traffic management system (CNS/ATM) sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP).

Ito ay makaraang makumpirma ni Tulfo mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nagsumite ng proposal ang ComClark Network and Technology Corp. (ComClark) na pag-aari ng Tech tychoon na si Dennis Uy para sa pag-take over sa operasyon ng Philippines’ air traffic management system.

Sinabi ni Tulfo na magdudulot ito ng seryosong panganib sa national security at nagiging bukas ang bansa sa foreign interference dahil maaaring pumasok ang mga pribadong kumpanya sa equity participation ng nationalized investors, kabilang na ang malalaking korporasyon na suportado ng gobyerno ng China.

Tinukoy din ni Tulfo ang naunang pahayag ni Ret. Lt. Gen. William Hotchkiss, dating Philippine Air Force Chief at dating CAAP Director, na ang panukala ay magreresulta sa paglilipat ng kapangyarihan ng CAAP na i-monitor at kontrolin ang lahat ng flights sa loob ng ating Flight Information Region (FIR) sa pribadong kumpanya na may vested interest.

Idinagdag pa ni Tulfo na sa pamamagitan ng privatization ay mas magiging madali na rin ang pagtakas ng mga may problema sa batas.

Nakatakda namang maghain ng resolusyon si Tulfo upang imbestigahan ang ipinapanukalang privatization. (DANG SAMSON-GARCIA)

54

Related posts

Leave a Comment