(NI NOEL ABUEL/PHOTO BY DANNY BACOLOD)
GAYA ng inaasahan ay bumuhos ang luha sa patuloy na isinasagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng nawawalang mga estudyante na nire-cruit ng makakaliwang grupo.
Sa isinagawang ikalawang pagdinig ng Senate Comittees on Public Order and Dangerous Drugs at ng National Defense and Security, inusisa ng mga senador ang dumating na dating miyembro ng New People’s Army-Communist Party of the Philippines (CPP-NPA).
Isa sa mga testigong dumating ang 21-anyos na babae na nakatakip ang mukha nagpahayag ng sinapit nito sa kamay ng makakaliwang grupo nang ma-recruit ito sa Polytechnic University of the Philippines (PUP).
“Nakita nila na may interest ako magtanong, kinulit na nila akong magkaroon ng pag-aaral. October 2014 nang sumali ako sa LFS,” sabi nito.
Tatlong taon umano ang itinagal nito sa LFS bago nagdesisyong sumanib sa NPA kung saan nagpalipat-lipat ito ng bundok sa Mindanao at sa Bukidnon at Compostela Valley.
Dito ay naranasan umano nito ang hirap hanggang sa magdesisyong sumuko sa pamahalaan noong Abril 2018 at magkaroon ng sariling pamilya.
“Sinubukan kong kumontak sa kanila dahil manganganak ako, kahit piso wala akong natanggap. Porke umalis na kami sa organisasyon at wala na silang pakinabang sa amin dahil pinili namin ito, pinabayaan na nila kami. Walang sila naitulong sa amin,” may halong pagsisisi nito.
Nagdesisyon umano itong humarap sa Senado upang manawagan sa mga dating kasama sa NPA na sumuko na at bumalik sa normal na pamumuhay.
Kabilang din sa humarap sa pagdinig ang tatlo upang dating rebelde na sina Nancy Dologuin, Alvin Turero, at Agnes Reano na pawang nagpatunay na may nangyayaring pagre-recruit sa mga eskuwelahan.
Hindi naman naitago nina Senador Ronald Dela Rosa at Senador Bong Go ang pagkadismaya na nagagamit ang mga estudyante sa mga rally sa kalsada bago kumbinsihing sumanib sa NPA.
171