(NI BERNARD TAGUINOD)
DAHIL lahat ng mga congressmen ay kuwalipikadong maging Speaker, lumutang ang pangalan ni Presidential son at Davao first district Congressman-elect Paolo Duterte sa nasabing posisyon.
Gayunman, sinabi ni House Minority leader Danilo Suarez sa press briefing nitong Lunes, na matatanggap ng publiko kapag naging Speaker ang batang Duterte dahil Presidente ang kanyang ama.
“I don’t know Congressman Duterte. I’ve heard of him to be a good vice mayor (ng Davao). Anyway nasa bloodline yan, Duterte ang bloodline niya so maayos yun.
Pero I really doubt if the people will accept, ang Presidente ay si Pangulong Duterte at ang Speaker anak mo….medyo marami nang magtataas ang kilay na mga tao,” ani Suarez.
“Too bad na na-tiyempuhan ni Congressman Duterte na Presidente ang tatay niya. Siguro kung hindi Presidente ang Pangulong Digong,” dagdag pa ng mambabatas.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil hindi pa nagkakasundo ang mga kaalyado ni Duterte na kandidato sa pagka-speaker ng Kamara sa 18th congress kung sino sa kanila ang uupo.
Kabilang sa mga naghahangad na pamunuan ang Kamara ay sina Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, Marinduque Rep. Lord Alan Velasco at Taguig-Pateros Rep. Allan Peter Cayetano kasama umano si dating Speaker Pantaleon Alvarez.
Sumali na rin umano sa karera si Senator at Antique Representativ-elect Loren Legarda na tulad ng mga nabanggit na congressmen ay pawang mga malalapit kay Pangulong Duterte.
Pinayuhan ni Suarez ang mga ito na mag-usap na lamang ang mga ito at kung sino ang may malaking suporta ay siyang uupong Speaker sa 18th Congress.
208