Bumiyahe sa Hong Kong hindi pinauwi sa Pinas
IBINUKO ng chairman ng House committee on Metro Manila Development na si Manila Rep. Manuel Luis Lopez na isang miyembro ng mababang kapulungan ng Kongreso ang naka-quarantine sa Hong Kong.
Sa pagdinig ng nasabing komite sa novel coronavirus (nCoV), sinabi ni Lopez na kasalukuyang naka-quaratine sa Hong Kong si CIBAC party-list Rep. Domingo Rivera.
“Isang congressman na nagngangalang Doming Rivera. Siya po ay kasalukuyang naka-quarantine din po sa Hong Kong and he is representing party-list CIBAC,” pahayag ni Lopez.
Inamin naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Brigido Dulay na wala silang natanggap na impormasyon ukol kay Rivera subalit inatasan agad nito ang Philippine consul sa Hong Kong na asistehan si Rivera.
Hindi pa nagbibigay na impormasyon ang tanggapan ni Rivera ukol dito tulad ng kung kailan ito umalis sa Pilipinas at kung ano ang estado nito ngayon sa Hong Kong.
Subalit, ayon sa ilang impormante sa Kamara, umalis patungong Hong Kong si Rivera bago pa man naglabas ng memorandum si House Secretary General Luis Montales na nagbabawal sa mga mambabatas at mga empleyado na umalis ng bansa.
Ang memorandum ay inilabas ni Montales noong Lunes, Pebrero 3, 2020.
“To prevent the risk of exposure to the virus and reduce the spread of infection, the following is highly recommended. Avoid/Deter travel to countries with documented cases of 2019-nCoV infection. To date, these are: China Hong Kong, Macau, Taiwan, Australia, Cambodia, Canada, Finland, France, Germany, India, Italy, Japan, Malaysia, Nepal, Russia, Singapore, Spain, Sri Lanka, Sweden, Thailand, The Republic of Korea, United Arab Emirates, United Kingdom and Vietnam,” bahagi ng memorandum ni Montales. BERNARD TAGUINOD
141