(NI DANG SAMSON-GARCIA)
NAIS ni Senador Win Gatchalian na isulong ang panukalang batas para ibaba ng limang taon ang optional at compulsory retirement age ng lahat ng kawani ng gobyerno.Sa Senate Bill No. 738, gagawing 55 taong gulang mula 60 ang optional retirement age samantalang 60 taong gulang naman mula 65 ang compulsory retirement age.
“Ang pagbaba ng optional at compulsory retirement age ay magpapahintulot sa mga empleyado ng gobyerno na pakinabangan ang mga benepisyong mula sa kanilang pagreretiro pagkatapos maglingkod ng mahabang panahon sa pamahalaan,” saad ni Gatchalian.
“Higit pa rito, bibigyang-pagkakataon ang mga retirado na subukan ang iba pang uri ng kabuhayan upang maging maayos ang kanilang pinansyal na katauyan,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ng senador na ang kanyang panukalang batas ay naglalayon ring lutasin ang problema sa unemployment o kawalan ng trabaho sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, ang Pilipinas ay isa sa mga bansang mayroong pinakamataas na bilang ng unemployment sa buong Asya sa kabila ng mga ulat ng paglago ng ekonomiya.
“Kapag naaprubahan bilang batas at nagretiro ng mas maaga ang mga empleyado, magkakaroon ng oportunidad para sa mas maraming Pilipino, partikular na sa mga mas batang henerasyon na mas eksperto sa mga bagong pamamaraan at teknolohiya na siyang kinakailangan sa mga bagong trabaho,” paliwanag ni Gatchalian.
Ang panukalang batas ni Gatchalian ay nag-aamyenda sa Sections 13(b) at 13-A ng Republic Act No. 8291 o ang Government Insurance Service Act of 1997 na nagbababa ng optional at compulsory retirement age sa edad na 55 at 60 taong gulang mula sa kasalukuyang 60 at 65 taong gulang.
Sa panukalang ito, ipatutupad din ang paunti-unting pagreretiro ng mga kawani ng gobyerno na nasa edad 61 taong gulang pataas.
Ibig sabihin, ang mga empleyadong nasa edad 64 hanggang 65 taong gulang ay dapat nang magretiro sa loob ng isang taon simula ng ipatupad ang batas. Samantala, ang mga nasa edad 62 hanggang 63 taong gulang naman ay magreretiro sa pangalawang taon, at ang mga nasa edad 61 taong gulang ay magreretiro sa ikatlong taon.
154