Sa paglabag ni Sinas sa Q protocols IATF AT PNP, NAWALAN NG KREDIBILIDAD

NAGBABALA si Senate Minority Leader Franklin Drilon na posibleng mahirapan ang mga awtoridad na pasunurin ang mga ordinaryong mamamayan sa quarantine protocols.

Ito ay dahil anya mismong ang nagpapatupad ng regulasyon ang hindi sumunod dito na ang tinutukoy ay si NCRPO chief, Major Gen. Debold Sinas.

Ipinaliwanag ni Drilon na ang Inter-Agency Task Force katuwang ang Philippine National Police ang mismong bumalangkas at nagpapatupad ng mga regulasyon sa gitna ng umiiral na lockdown.

Subalit kung mismong ang PNP, ang bumabali anya sa regulasyon, hindi maaasahan ang tunay na pagsunod ng taumbayan dito.

“It erodes the credibility of the IATF and the PNP to enforce the rules that they promulgated because the implementers themselves do not follow them,” saad ni Drilon.

MAG-RESIGN NA

Samantala, dapat magkusang mag-resign si NCRPO chief Gen. Debold Sinas kahit inabsuwelto ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paglabag sa social distancing.

Ito ang hamon ng mga militanteng mambabatas sa Kamara kay Sinas, upang hindi tuluyang mabaon ang kredibilidad ng PNP sa pagpapatupad ng batas o protocol sa paglaban sa COVID-19.

Ginawa ng Makabayan bloc ang hamon matapos sabihin ni Duterte na siya ang may utos na huwag tanggalin si Sinas.

Kasabay nito ang paghahain sa House Resolution (HR) 890 para sa agarang pagsibak kay Sinas bilang NCRPO chief matapos mag-viral sa social media ang kanyang birthday celebration noong Mayo 8 kung saan nalabag umano ang social distancing.

“Ang kredibilidad ng kapulisan na binagsak pang lalo ng mañanita ni Sinas ay ibinaon sa lupa ng pangulo. Patunay lamang ito na hindi ang mga ordinaryong mamamayan ang tunay na pasaway kundi ang mismong mga opisyal ng gobyerno na hindi sumusunod sa batas,” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.

Gayunpaman, kayang isalba aniya ang kredibilidad ng PNP kung kusang mag-resign na lamang si Sinas sa kanyang puwesto sa lalong madaling panahon para sa kapakanan ng kanilang organisasyon. DANG SAMSON-GARCIA, BERNARD TAGUINOD

79

Related posts

Leave a Comment