MATAPOS ang dalawang taong pananalasa ng COVID-19 sa Pilipinas, unti-unti nang nakababangon ang iba’t ibang industriya, maliban na lamang sa sektor ng agrikultura.
Isa sa itinuturong dahilan na dumagdag sa pasanin ng mga taxpayer ay ang pagbili ng pamunuan ng Department of Agriculture (DA) ng 28 units ng mobile disinfection system na inaakusahang overpriced dahil umabot ang halaga nito sa P98 million.
Maganda man itong gamitin sa pagsugpo sa COVID-19 at iba pang sakit na pumepeste sa agricultural at livestock products ng bansa, hindi maikakailang sobra-sobra ang ginamit na pondo para rito.
Marami ang nagtaas ng kilay dahil umabot sa mahigit P3.5 million ang kada unit nito. Bagay na ikinababahala ng marami dahil malayo ito sa itinakdang retail price sa merkado.
Naglalaro lamang umano ang isang unit ng disinfection system sa Php 500,000-Php1.2 million at ang isang unit ng medium duty truck sa Php900,000-Php 1.2 million.
Tila huli na rin sa pagtugon sa mga sakit ang DA dahil hindi na iminumungkahi ng Department of Health (DOH) gayundin ng US Center for Disease Control and Prevention (CDC) ang misting at fumigation para COVID-19. Maaaring magkaroon ito ng masamang epekto sa kalusugan ng tao dahil nagtatagal ang disinfectants nito sa hangin, bagay, at balat ng hayop at tao ng mahabang oras.
Bukod dito, malaking dagok din sa swine industry ng bansa ang hindi agarang pagpigil ng DA sa African Swine Fever (ASF) na nagmula sa kanilang pagpapalawig ng pork importation at hindi agarang pagsugpo sa pork smuggling.
Huling-huli na ang DA para gamitin ang mga disinfection system unit dahil lumiliit na ang kaso ng ASF at higit Php 1 billion na ang ikinalulugi ng bansa kada buwan dahil dito simula pa noong 2019.
Usap-usapan din na masama ang loob ng agricultural at fisheries sector sa DA dahil daw sa kapabayaan nitong isalba ang mga nasabing sektor sa epekto ng pandemya.
Ayon sa iba’t ibang agricultural groups tulad ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI) at Federation of Free Farmers (FFF), tila napabayaan na ang pagpapalakas sa sektor ng agrikultura at pangingisda.
Tila insulto pa sa kanila ang pagpapalawig ng fish importation na aabot sa 60,000 metric tons gayundin ang pagpapatuloy ng nababalitang vegetable smuggling sa bansa.
Dagdag pa rito, nahihirapang bumangon ang mga magsasaka dahil sa patuloy na pagkamkam ng iba’t ibang kumpanya sa kanilang lupain. Sinasabing bumaba sa higit 13 million hectares na lamang ang mga lupaing pwedeng taniman sa bansa, ayon sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority.
Hindi tuloy maiwasan na pagdudahan ang paggasta ng DA sa programang tila huli na para panindigan at palawigin at kung makatutulong ba ito sa mga kababayang Pinoy.
Hindi na nga ibinase sa siyensya, maaaring pinagkakitaan pa, sabi naman sa komento ng ilang eksperto.
Patuloy na lulubog sa kahirapan ang mga magsasaka, mangingisda, at iba pang manggagawa sa agrikultura kung hindi magiging tapat ang kasalukuyang liderato ng DA sa taumbayan, anila pa.
Pahabol na daing ng nakararami kay Pangulong Rodrigo Duterte na malaki na ang pagkalugi ng Pilipinas dahil sa pandemya, ngunit kung patuloy na masisilaw ang mga pinuno ng nasabing ahensya sa pera at magpapatuloy bumuo ng hindi epektibo at konkretong programa para sa Pilipino, hindi malayong pulutin sa kangkungan ang sambayanan.
88