(NI DANG SAMSON-GARCIA)
NAIS ni Senador Lito Lapid na magkaroon ng kinatawan ang mga senior citizen sa mga lokal na sanggunian upang mas matugunan ang pangangailangan ng kanilang sektor.
Sa kanyang Senate Bill 1169, isinusulong ni Lapid na amyendahan ang Local Government Code of 1991 upang magkaroon ng senior citizen representative sa bawat barangay sanggunian, municipal o city sanggunian at provincial sanggunian.
Sa pagpapaliwanag sa panukala, sinabi ni Lapid na nagiging ageing population na ang Pilipinas kung saan batay sa pinakahuling pagtaya ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), sa taong
2032, pitong porsyento ng populasyon ng bansa ay mga nakatatanda na may edad 65 anyos pataas.
Batay pa sa pagtaya, pagsapit ng 2069, magiging aged society na ang Pilipinas dahil 14% ng populasyon ay nasa edad 65 pataas.
Sa positibo anyang aspeto, nangangahulugan ito na matagumpay ang healthcare sa bansa dahil sa pagtaas ng life expectancy subalit magbibigay-daan din ito sa mas malaking pension at social security programs at iba pang government subsidies sa matatanda.
Alinsunod sa panukala, ang Senior Citizen Representatives ay ihahalal sa tatlong paraan.
Ang kinatawan nito sa Sangguniang Barangay ay ihahalal ng asosasyon ng lahat ng senior citizens sa barangay habang sa Sangguniang Bayan or Panglungsod ay pagbobotohan ng mga senior citizen representatives ng lahat ng sangguniang barangay at ang Senior Citizen Representative sa Sangguniang Panlalawigan ay iboboto ng mga senior citizen representatives ng lahat ng sangguniang bayan.
Pamamahalaan at pangangasiwaan ng Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) o ng local social welfare and development office ng local government unit ang eleksyon.
187