(NI BERNARD TAGUINOD)
BUKOD sa magkakaroon na umano ng sapat na supply ng tubig, hindi lamang sa Metro Manila at kundi sa buong bansa, maiiwasan na umano ang turuan kapag nagkaroon ng problema.
Ito ang pahayag ni Albay Rep. Joey Salceda kasunod ng pag-apruba sa committee level sa Department of Water and Resources (DWR) kung saan pagdedebatehan na ito sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
“Sa ngayon, kung sino-sino ang ituro mo kung bakit walang bagong dam. Ngayon sila (DWR) na po ang in-charge, sila na po ang responsible sa water development,” pahayag ng kongresista.
Sa ngayon may kanya-kanyang papel ang iba’t ibang departamento sa usapin ng tubig tulad ng Department of Environment and Natural Resource (DENR), Department of of Agriculture (DA), Department of Public Works and Highways (DWPH) at Department of Interior and Local Government (DILG), Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Local Water Utilities Adminstration (LWUA).
Kapag nagkaroon aniya ng problema sa supply ng tubig tulad ng naranasang water shortage sa Metro Manila, sinisisi ang mga ahensyang ito subalit wala umano sa mga ito ang naatasang magtayo ng mga dam.
“So in short, itinalaga natin ang isang ahensya ng gobyerno na sapat na kakayahan at statue para siya, lahat ng usapin patungkol sa development tubig, kasama na ang sanitasyon at waste water system,” ani Salceda.
“Isa na lang ang kakausapin, isa na lang ang magdedesisyon at isa na lang ang sisisihin, Hindi tulad ngayon nagtuturo tayo, we’re barking at the wrong three,” ayon pa sa mambabatas.
351